Ni: Jun Fabon

Dahil sa pagtulong sa kapwa mula sa masasamang loob, patay ang isang barker makaraang pagbabarilin ng dalawang hinihinalang carnapper na kalaunan ay napatay naman ng mga pulis sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni Police Supt. Rossel Cejas, hepe ng Batasan Police-Station 6, kinilala ang barker na si Alberto Lope, 48, ng No. 19B Vincent Street, Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Binaril at napatay si Lope ng mga hinihinalang carnapper nang tulungan ang 25 –anyos na si John Mendanio mula sa mga suspek na tumangay sa motorsiklo nito.

National

Magnitude 4.1 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Bgy. Holy Spirit, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa.

Sinita umano ni Lope ang mga suspek na sakay sa dalawang motorsiklo at saka siya binaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad nakarating kay Supt. Cejas ang insidente at pinakilos ang kanyang mga tauhan hanggang sa nagkahabulan at nagkapalitan ng bala sa IBP Road.

Makalipas ang ilang minuto, nakorner ng mobile unit ng QCPD-PS6 ang mga suspek ngunit sa halip na tumalima ay nakipagbarilan ang mga ito na naging sanhi ng kanilang pagbulagta.