Ni: Argyll Cyrus Geducos at Beth Camia
Dalawa pang empleyado ng Malacañang ang nadagdag sa listahan ng mga sinibak ni Pangulong Duterte bilang bahagi ng kampanya ng administrasyon kontra kurapsiyon.
Sa talumpati ng Pangulo sa Pasay City nitong Huwebes ng gabi bago siya umalis patungong Brunei, sinabi niyang ipinagmalaki ng dalawang kawani ng Malacañang ang impluwensiya ng mga ito sa pagsasabing “malakas” sila.
“I promised you corruption. I will stop it. I will stop it. I just fired two… two employees from Malacañang for making a tool and suggesting that, you know, they were suggesting,” sabi ni Duterte, bagamat hindi pinangalanan ang dalawang empleyado.
Binigyang-diin ito ni Duterte sa isang panayam na ipinaskil sa Facebook page ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson.
“I even fired [people] today. I signed [a document] firing two people from Malacañang for using their influence,” sinabi ni Duterte sa panayam sa kanya pagdating niya sa Brunei Darussalam para sa 50th Jubilee celebration ng pagkakaluklok sa trono ni Sultan Bolkiah.
“Empleyado diyan tapos kung anu-anong pinagsasabi sa labas, na malakas [sila]. I hate that,” ani Duterte.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi pa maaaring pangalanan ng Office of the Executive Secretary (OES) ang dalawang sinibak na empleyado.
“As per OES, it is premature to release any names any names until concerned parties are properly informed,” saad sa text message ni Abella.