Ni: Genalyn D. Kabiling

Idinawit ng administrasyon sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales sa diumano’y plano ng oposisyon na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nagpahayag ng pagdududa ang Pangulo kina Sereno at Morales matapos nitong hamunin ang dalawang opisyal ng gobyerno na magbitiw kasabay niya.

“The President believes the Supreme Court Justice and the Ombudsman have allowed themselves to be used by certain political forces to discredit him and his administration in order to spark public outrage and eventually oust him from the Presidency,” ani Abella sa press briefing sa Palasyo kahapon.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

“In other words, he finds them suspect. And it is his prerogative to ask them to resign,” dugtong niya.

Sa pagtatalumpati niya sa pagtitipon ng mga abogado sa Davao City nitong Sabado, hinamon ng Pangulo ang Chief Justice at ang Ombudsman na magbitiw kasama niya dahil sa mga diumano’y regularidad.

Inakusahan ni Duterte ang Ombudsman ng selective justice, binanggit ang kabiguan nitong aksiyunan kaagad ang mga reklamong may kaugnayan sa mga miyembro ng Liberal Party. Kinuwestiyon niya kung bakit pinaprayoridad ni Morales ang corruption case laban sa kanya kaysa mga kaso na matagal nang nakabitin sa ahensiya.

Inaakusahan naman ng Pangulo si Sereno ng katiwalian. Nabigo diumano itong ideklara ang kanyang professional na kinita mula sa kaso ng Philippine International Air Terminals Co. Inc (PIATCO) sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“Huwag na tayong magbolahan iyang pa-ekek ninyo sa publiko. I said, I am ready to lose the presidency -- my honor, my life and the presidency,” ani Duterte. “I now challenge Carpio to resign with me at itong si Supreme Court Justice,” dugtong niya.

Binanggit din ni Abella na maaaring hilingin ng Pangulo ang impeachment ni Morales kung kinakailangan ngunit wala pang ginagawang pormal na hakbang.

“He has the capacity to do that,” ani Abella nang tanungin kung nananawagan ang Pangulo ng impeachment ng Ombudsman.

Kaugnay naman kay Sereno, tiniyak ni Abella na may hawak na mga ebidensiya ang Pangulo para suportahan ang kanyang mga alegasyon ng katiwalaan laban sa Chief Justice at ilalabas ang mga ito “at the right time and as necessary.”