Ni: Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Sta. Rosa Sports Complex)

7 n.g. -- Star vs Meralco

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

MAKABAWI kaya ang Star Hotshots o tuluyang madiktahan ng Meralco Bolts ang kanilang best-of-five semi-final duel?

Naghihintay ang kasagutan sa pagtutuos ang dalawang koponan sa Game 2 ng kanilang serye sa 2017 PBA Governors Cup ngayon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.

“Babawi kami next time, promise,” pahayag ng eight-time champion power forward ng Hotshots na si Marc Pingris.

“Kailangan lang namin matutunan at maitama ‘yung mga mistakes namin sa Game 1,” aniya.

Tangan ng Hotshots ang 16 puntos na bentahe sa second half, ngunit nakabangon ang Bolts para maagaw ang 72-66 panalo sa Game 1.

Sa naturang laro, naitala nang Hotshots ang kabuuang 24 turnovers.

Sa kabilang dako, lalo namang pagpupursigihan ng Bolts na maikasa ang depensa nila ng maayos upang hindi rin maulit ang naranasan nila noong unang laro kung saan dumaan sila sa butas ng karayom sa maghabol.

Muli, aabangan ang tapatan nina Bolts import Allen Durham at Star reinforcement Kristofer Acox gayundin ang suportang ibibigay ng kanilang mga local teammates.

Aasahan ni Durham sina Baser Amer, Cliff Hodge, Jared Dillinger, Ranidel de Ocampo at Chris Newsome habang sasandalan ni Acid sina Paul Lee, Pingris, Ian Sangalang at Mark Barroca.