Ni: Gilbert Espeña

PINALUTANG ng kampo ni WBO super flyweight champion Naoya Inoue na umatras si IBF junior bantamweight titlist Jerwin Ancajas sa planong unification bout bago matapos ang taon.

Nakatakdang magdepensa si Ancajas sa Belfast, Northern Ireland sa United Kingdom sa Nobyembre 18 laban sa walang talong si Jamie Conlan kaya’t tila napikon ang manedyer ni Inoue na si Hideyuki Ohashi ng Ohashi Promotions sa Tokyo, Japan.

Sa panayam ng pahayagang Nikkan Sports, iginiit ni Ohashi na nagkasundo na sila ng promoter ni Ancajas na si Sean Gibbons ngunit pinabulaanan ito ng Amerikanong matchmaker.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Iginiit ni Ohashi na nagkasundo sila ni Gibbons na maglaban sina Inoue at Ancajas sa bisperas ng Bagong Taon pero malabo na ito ngayon kaya hahanap sila ng bagong makakalaban ng boksingerong may bansag na “The Monster.”

Pinabulaanan naman ni Gibbons sa NoSparring.com na may kasunduan na sila ng Team Inoue at kaya nila tinanggap ang laban sa UK ay sa pagkakataong lalong sumikat si Ancajas.

“Simple. It’s a great fight for Jerwin on a huge card from Belfast. Simple as that,” sabi ni Gibbons.

Pinagpipilian na ngayon ni Ohashi sina Filipino American Brian Viloria, Amerikanong si Rau’shee Warren at Pilipinong si Jonas Sultan para makaharap ni Inoue sa susunod nitong depensa.

Kabilang sa mga Pinoy boxers puwedeng humamon kay Inoue sina WBO ranked Johnreil Casimero, Ashton Palicte at Rene Dacquel pero bihira nang magdepensa ang mga world champion ng Japan sa Filipino contenders.