Ni: Bella Gamotea
Hindi kagandahang balita para sa mga consumer, partikular sa mga may-ari ng karinderya.
Magpapatupad ng big-time price hike sa liquefied petroleum gas (LPG) ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Petron Corporation, ngayong Linggo ng madaling araw.
Sa pahayag ng Petron, epektibo dakong 12:01 ng umaga ng Oktubre 1 ay magtataas ito ng P4.90 sa presyo ng kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas, o katumbas ng P53.90 na dagdag-presyo sa bawat 11-kilogram na tangke ng LPG.
Bukod dito, magtataas din ng P2.75 sa kada litro ng Xtend Auto-LPG ang Petron, na karaniwang ginagamit sa taxi.
Hindi naman nagpahuli ang Regasco brands, isa sa independent players ng LPG Marketers Association (LPGMA), at kaagad sumunod sa big-time price hike na P4.00 sa kada kilo ng LPG, o katumbas ng P44 sa bawat regular na 11-kilogram na tangke ng cooking gas.
Ang panibagong dagdag-presyo ay bunsod ng pagtaas ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan, at epekto ng magkakasunod na pananalasa ng bagyo sa Amerika noong nakaraang buwan.
Setyembre 1 nang nagtaas ng P2.74 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas ang Petron, habang P1.53 naman ang nadagdag sa kada litro ng Xtend Auto-LPG.