Ni: Jeffrey G. Damicog

Tinatayang aabot sa P50 milyong halaga ng illegal logs ang nasamsam habang dalawang katao ang inaresto sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay NBI spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin, nakuha ang mga illegal logs sa bodega ng Herbs and Nature Corporation sa Barangay Bagbag, Novaliches Quezon City nitong Huwebes.

Kinilala ni Lavin ang mga inaresto sa operasyon na sina Erwin Villegas at Rolly Martin.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nagsanib puwersa sa nasabing operasyon ang Environmental Crime Division (EnCD) ng NBI at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), bitbit ang search warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) branch 94.

Ilan sa mga illegal logs na natagpuan sa bodega ay ang narra, yakal, molave, bolong at iba pang uri ng puno.

Sinabi ni Lavin na ang bodega ay pagmamay-ari ni Rodolfo Villegas at ng kanyang misis na si Carolina, na tiyuhin at tiyahin ni Erwin.

Kinasuhan ang mag-asawa ng paglabag sa Forestry Code of the Philippines, Republic Act 9175, the Act Regulating the Ownership, Possession, Sale, Importation and Use of Chainsaws; at RA 1950, the Act Regulating the Use of Sawmills.

Ayon kay Lavin, itinurn over ang mga nakumpiskang illegal logs sa DENR National Capital Region (DENR-NCR) office.