Ni: Celo Lagmay

HALOS kasabay ng pagpapatibay ng House Committee on health ng panukalang-batas na naglalayong gawing legal ang “cannabis” o marijuana para sa iba’t ibang karamdaman, nilusob naman ng mga tauhan ng Kalinga Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Army ang pinakamalaking marijuana plantation sa naturang lalawigan. Sinira nila at sinunog ang naturang tanim na nagkakahalaga ng P11,040,000, patunay na ito ay labag sa batas.

Taliwas naman ito sa panukalang Philippine Compassionate Medical Cannabis na isinusulong ni Isabela Rep. Rodito Albano. Itinatadhana ng naturang bill na gagawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot sa kanser at iba pang sakit; sinasabing epektibo rin ito bilang pain killer.

Matagal nang pinausad sa Kamara ang nasabing bill dangan nga lamang at ang pagtalakay nito ay pinabagal ng magkakasalungat na pananaw; nanaig ang mga paniniwala na ang produksiyon o pagtatanim ng marijuana ay ilegal.

Gayunman, ang medicinal value nito ay pinatunayan umano ng Department of Health (DoH), Department of Science and Technology (DOST) at Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD); kaakibat ito ng kanilang panukala na marapat na magtakda ng mga safeguards o patnubay upang matiyak ang wastong paggamit ng marijuana sa pagpapagaling ng mga karamdaman.

Sa kabila ng ganitong mga paninindigan, hindi ko makita ang lohika sa pagsusulong ng nabanggit na bill, lalo na kung iisipin na ang paggamit ng marijuana ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas; katulad ng mahigpit na pagbabawal sa illegal drugs. Ito ang dahilan kung bakit walang puknat ang paglusob ng ating mga alagad ng batas sa mga plantasyon ng marijuana sa iba’t ibang kagubatan sa bansa; katulad ng maigting na pagpuksa sa mga user, pusher at drug lord.

Ang pagiging legal ng marijuana bilang gamot ay hindi malayong samantalahin ng mga sugapa sa bawal na droga; sa gayon, hindi lamang sila magugumon sa shabu kundi maging sa marijuana. Taliwas ito sa kampanya ng Duterte administration hinggil sa paglipol ng illegal drugs na sumisira... sa kinabukasan ng ating mga kabataan at ng mismong mga mamamayan. Dahil dito, mismong si Pangulong Duterte ang nangangalandakan na ang kampanya laban sa droga ay hindi titigil hanggang hindi napupuksa ang pinakahuling sugapa sa bawal na gamot.

Sapat na itong dahilan upang hindi pahintulutang maging legal ang marijuana – kahit sabihin pang ito ay may medicinal value – sapagkat ito, tulad ng shabu at iba pang bawal na droga, ay pinaniniwalaan ding nakapipinsala sa utak ng mga kabataan at ng sambayanan.