Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Hinimok ni Pangulong Duterte ang kabataang evacuees mula sa Marawi City na umiwas sa ideyalismo ng terorismo habang nagpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa mga teroristang Maute Group na nagkukubkob sa siyudad sa Lanao del Sur.
Ito ay makaraang tanggapin ng Pangulo ang batang evacuees sa “Tabak Educational Tour: Peaceful Environment in the Outside World” sa Rizal Hall sa Malacañang nitong Miyerkules.
Ang 34 na batang “Tabak” ang ikalawang batch ng kabataang evacuees na nagtungo sa Malacañang at hinarap ni Duterte kasunod ng unang batch nitong Agosto.
Ayon sa Malacañang, sa maikling mensahe sa mga batang Maranao ay hinikayat ni Duterte ang mga ito na umiwas sa ideyalismo ng terorismo, dahil walang kaguluhan at kalituhan lamang ang idinudulot nito.
Hiniling din ng Presidente sa kabataang Marawi na tulunga siyang ibalik “what was lost in the war-torn Islamic City.”
Sinabi pa ng Malacañang na nangako ang Pangulo sa mga bata na isasailalim sa rehabilitasyon ang Marawi at muling itatayo ang mga nawasak na bahay doon.
Nagtanghal naman ang mga bata ng interpretative dance para sa Pangulo, ayon sa Malacañang.
Mahigit apat na buwan na ang digmaan sa Marawi, na ikinasawi ng 47 sibilyan, 151 pulis at sundalo, at 695 terorista.