Ni: Marivic Awitan

HUWAG magulat kung matanaw si triathlon superstar Nikko Huelgas na rumeremate sa finish line ng LBC Ronda Pilipinas.

Kinumpirma ng organizers nang nangungunang summer road racing marathon sa bansa ang paglahok ng 27-anyos na si Huelgas, back-to-back Southeast Asian Games gold medal winner, sa gaganaping Luzon qualifying race sa Sabado sa Tarlac City.

Kabilang si Huelgas sa 322 siklista, kinabibilangan din nina dating kampeon Santy Barnachea at Irish Valenzuela, sa sisikad sa qualifying race sa paghahangad na makasikwat ng slots para sa main race ng LBC Ronda sa susunod na taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Target ng 41-anyos na si Barnachea na makakuha ng slot para muling makalahok sa main event at masungkit ang ikatlong titulo sa karera na nakatakda sa Marso 1-14. Nadomina niya ang Ronda noong 2012 at 2015.

Magbabalik aksiyon naman ang 2013 champion na si Valenzuela na nagtatrabaho na sa Dubai pagkatapos ang dalawang taong pagliban sa karera.

Para naman kay Huelgas, gagamitin niya ang karera bilang pagsasanay sa mga darating na triathlon races kabilang ang 2018 Asian Games sa Palembang, Indonesia at 2019 Manila SEA Games.

Nakatakda ding magbalik si Junrey Navarra, ang dating Ronda King of the Mountain winner, matapos niyang hindi sumali noong isang taon.

Ang Philippine Navy bet at reigning Ronda champion na si Jan Paul Morales ay isa sa 20 qualified riders, ngunit nagdesisyon pa ring sumali sa one-day race na may nakatayang P30,000 premyo sa mananalo at P20,000 at P10,000 para sa pangalawa at pangatlo.

May 38 slots lamang ang nakalaang paglabanan sa karerang may distansiyang 180 kilometro mula sa Tarlac Provincial Capitol hanggang sa Monasterio de Tarlac.

Isa pang qualifying race ang gaganapin naman sa Oktubre 21 sa Danao, Cebu kung saan 38 slots ulit ang paglalabanan.

Ayon kay LBC Ronda project director Moe Chulani ang tatanghaling kampeon sa main race ay mag-uuwi ng P1 milyon mula sa LBC.

“The LBC Ronda Pilipinas is upon us again, and just like in our past editions, we’re hoping to produce champions and attract talented young riders,” pahayag ni Chulani.