Nina AARON RECUENCO at FER TABOY

Nasa 87 katao ang napaulat na nasugatan nang sumadsad ang sinasakyan nilang barko sa isang bangin sa may baybayin ng Tablas Island sa Romblon, kahapon ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B, nasa P500,000 ang halaga ng napinsala sa apat na sasakyang nasa loob ng M/V Matilde, pag-aari ng Montenegro Shipping Lines, Inc., dahil sa aksidente.

“Out of the 251 passengers on board, 87 were reported injured and four vehicles were damaged,” sabi ni Tolentino.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Tolentino na naglalayag ang barko sa regular na ruta nito mula sa Port of Odiongan hanggang sa Port of Romblon nang sumadsad ito sa bangin sa Tablas Island sa bayan ng Calatrava, bandang 4:30 ng umaga kahapon.

Aniya, gawa sa rock formation ang bangin.

Dinala sa mga ospital ang mga nasugatang pasahero, sa tulong mga lokal na awtoridad at mga rescue team, ayon kay Tolentino.

“As per interview with the boat captain (na kinilalang si Bernardino Canapit), he averred that there was a heavy rain fall causing zero visibility in the area,” sabi ni Tolentino.

Gayunman, ayon kay Tolentino, taliwas ang pahayag ni Canapit sa salaysay ng mga pasahero.

Nabatid naman sa isa pang ulat na pumalyang GPS (global positioning system) ang itinuturong dahilan ng chiefmate ng barko sa aksidente.

Inimbitahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga opisyal ng barko para imbestigahan, ayon kay Tolentino.