Ni Leonel M. Abasola
Umaasa si Senador Panfilo Lacson na pagbibigyan siya ng pamunuan ng Senate Blue Ribbon Committee na maisalang agad ang customs broker na si Mark Taguba upang malaman kung ano ang nilalaman ng kanyang testimonya.
Aniya, sana mapagbigyan siya ni Senador Richard Gordon dahil may budget hearing siyang nakatakda ngayong Lunes.
Sinabi ni Lacson na may mga dokumentong hawak si Taguba na lalong magdidiin kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
“Napakaraming laman ng cell phone niya na di pa natalakay sa pagdinig na nakaraan. At napakaraming hawak na dokumento ang bank statement pina-retrieve ko sa kanya at yan ang kanyang ite-testify para magkabangga-banggaan na. Halimbawa itong petsang ito Friday may kausap sa text o may tumawag sa kanya tapos ang mag-usap nag-withdraw siya sa bangko tapos naman kung kanino binigay, lalabas lahat yan sa kanyang istorya,” ani Lacson.
Aniya, ang hamon ni Faeldon na maglabas ng ebidensiya ay sasagutin niya ngayong Lunes kung mapagbibigyan siya ni Gordon at kung aayon sa kanya si Taguba.
Sabi pa ni Lacson, sa dami ng nakausap niyang may kinalaman sa Customs ay bukod tanging pangalan ni Faeldon ang kanyang narirnig.
“Nagbubukod tangi si Faeldon. Ito ang common description sa kanya ng lahat na taga-BoC na nakausap ko. Ipokrito. ‘Yan ang napakaipokritong tao. Alam namin lahat magkano natatanggap niya sa bawat container, tanggi pa siya ng tanggi at lumalaban pa. ‘Yan ang kanilang description sa kanya. So siya rin ang naginspire o nag-challenge sa akin na magsaliksik nang mas malaliman pa. At bukod sa sinaliksik namin ang dokumentong hawak ni Taguba … information, ebidensya na ito binabanggit ko sa inyo na naka-ready i-file,” dagdag ng senador.
Magiging test case din ang agricultural smuggling na pasok sa economic sabotage na isasampa niya kay Faeldon kapag nakumpleto na ang kanyang mga dokumento.