Ni: Mark L. Garcia

BACOLOD CITY – Nasa 30 baril, libu-libong round ng iba’t ibang bala, dalawang vintage bomb, apat na granada at hinihinalang shabu ang sinasabing nasamsam ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa bahay ng isang pulis sa Barangay Alijis sa Bacolod City.

Kasama ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Public Safety Battalion, sinalakay ng NBI ang bahay ni SPO1 Joshua Barile nitong Biyernes ng madaling araw sa Regent Pearl Homes Subdivision sa Bgy. Aljis.

Armado ang mga awtoridad ng search warrant mula sa Manila Regional Trial Court.

Probinsya

Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!

Depensa naman ni Barile, kasalukuyang hepe ng Firearms and Explosive section ng Negros Island Regional Civil Security Unit, ang mga baril at bala na nakumpiska mula sa kanya ay sadyang nasa kanyang kustodiya para sa safekeeping.

May mga label na ito at inaprubahan ng kanyang superior upang ilagak sa kanyang pag-iingat, giit ni Barile.

Aniya, puno na ang vault sa kanilang opisina sa Bgy. 39, kaya naman ilan sa mga baril at bala na nakatakdang iharap sa mga paglilitis sa korte ay nasa kanyang kustodiya.

“Since I am the custodian, it is my liability if these firearms are lost,” sabi ni Barile, na dinala sa opisina ng NBI-Bacolod.

Dating nakatalaga sa Regional Intelligence Unit-18, iniuugnay si Barile sa pagkamatay ngayong taon nina Wilmar at Wilfredo Serenio, kapatid at ama ni Ricky Serenio, na umaming bagman ng Berya drug group.

Sa kanyang mga affidavit, iniugnay din ni Ricky si Barile at ang mahigit 40 pang pulis sa bentahan ng ilegal na droga sa Negros Occidental—na una nang itinanggi ni Barile.

Iginiit din ni Barile na planted lamang umano ang shabu at mga granadang nasamsam sa kanyang bahay.