Ni: Francis T. Wakefield

Buo ang paniniwala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may kaugnayan nga ang napatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog sa Maute Group, na kumubkob sa Marawi City noong Mayo 23, 2017.

Sa isang panayam sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Biyernes ng hapon, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na batay sa mga natanggap niyang intelligence reports, malaki ang posibilidad na tumulong si Parojinog sa pagpopondo sa pagsalakay ng Maute sa Marawi.

Sa kanyang pagbisita sa Marawi nitong Huwebes, iniugnay ni Pangulong Duterte si Mayor Parojinog sa krisis sa siyudad.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Yes, that is a confidential document and the president mentioned the involvement of Parojinog, his linkages with lawless elements and terrorists including the Maute ISIS who are involved in Marawi,” sabi ni Año. “Because the Maute brothers they are (also) into drugs operation. Also their style is like cartel.”

Nang tanungin ng mga pangalan ng iba pang lokal na opisyal sa Central Mindanao at mga drug lord na kabilang sa drug matrix na isinapubliko ni Duterte nitong Huwebes, sinabi ni Año na kabilang sa mga ito ang isang alkalde sa Maguindanao na ilang buwan nang nagtatago sa batas.

“’Yun lang binanggit niya (Duterte), si Parojinog lang. Mahirap namang magbanggit, pero ‘yung isang mayor, nagtatago ngayon, kasama din dun sa matrix,” ani Año.

Hindi rin isinasantabi ng AFP chief ang posibilidad na drug money ang bultu-bulto ng P79 milyon cash na nasamsam ng militar sa isa sa mga bahay sa Marawi na unang tinuluyan ng mga terorista noong Hunyo.

Sa nasabing panayam, sinabi rin ni Año na tatlo pang bihag ng Maute ang nailigtas ng militar sa nakalipas na mga araw.

Sinabi pa ni Año na batay sa taya ng AFP, nasa P2 bilyon na ang nagagastos ng militar sa mga bala at gasolina sa bakbakan sa Marawi, na sumapit na kahapon sa ikaapat na buwan.