NAYPYITAW (REUTERS) – Kinondena ni Myanmar leader Aung San Suu Kyi ang lahat ng human rights violations kahapon at sinabing mananagot sa batas ang sinumang responsable sa mga pang-aabuso sa magulong Rakhine State.
Sa kanyang unang talumpati sa bansa simula ng mga pag-atake ng mga rebeldeng Rohingya Muslim noong Agosto 25 na nagbunsod ng marahas na ganti ng militar na nagresulta sa paglikas ng mahigit 410,000 Rohingya patungong Bangladesh, sinabi ni Suu Kyi na hindi natatakot ang Myanmar sa international scrutiny at nangangako ng pangmatagalang solusyon sa gulo.
Tinawag ng United Nations na ethnic cleansing ang operasyon ng militar sa western state. Hindi sinagot ni Suu Kyi ang akusasyong ito ngunit sinabi na kinokondena ng kanyang gobyerno ang mga paglabag sa karapatan at pananagutin ang mga responsable rito.
“We condemn all human rights violations and unlawful violence. We are committed to the restoration of peace and stability and rule of law throughout the state,” anang Suu Kyi sa kanyang talumpati sa kabisera, ang Naypyitaw.
“Human rights violations and all other acts that impair stability and harmony and undermine the rule of law will be addressed in accordance with strict laws and justice,” aniya. “We feel deeply for the suffering of all the people caught up in the conflict.”