Team Philippines sa 7th place ng Para Games.
KUALA LUMPUR — Umangat sa tatlo ang nahakot na gintong medalya ng Team Philippines sa tagumpay nina sprinter Cielo Honasan at bowler Christopher Chiu Yue nitong Martes sa 9th ASEAN Para Games sa Bukit Jalil National Stadium.
Nangibabaw si Honasan, 15, ipinagmamalaki ng Santiago, Botolan, Zambales, sa women’s 200m T44 sa tyempong 28.51 segundo kontra kina Indonesian Karisma Evi Tiarani (31.12) at Vietnamese Nguyen Thi Thuy (33.07).
Ginapi naman ni Yuen sa naiskor na 1239 si Malaysians Mohd Azrin Bin Rahim (1216) at Abu Bakat Bin Nyat (1211) sa tenpin bowling finals sa Bandar Sunway sa Petaling Jaya, Selangor.
Sumabak din sa naturang event sina Pinoy Angelito Guloya, Rufo Tablang, at Benjamin Ramos, ngunit nabigo silang makausad sa medal round.
Kahanga-hanga ang kampanya ni Honasan na sumabak sa kanyang kauna-unahang international tournament.
“Pangarap ko pong makalaro sa abroad at natupad po naman. May bonus pa at nanalo ako ng gold medal,” pahayag ni Honasan.
Matapos manguna sa heat sa pinakamabilis na tyempong 28.55, ramdam na ni Honasan na kanya ang tagumpay.
Target niyang masungkit ang ikalawang ginto sa pagsabak sa century dash at 400m bukas.
“Kung susuwertehin, sana nga po makuha ko rin,” aniya.
Nakopo rin ng Team Philippines ang dalawang silver medal sa athletics mula kina Jeanette Aceveda sa shotput F11 at F12 combined, at Arman Dino sa 400m T47.
Mistulang ginto para kay Dino ang napagwagihang silver dahil tinalo niya ang mga karibal na sina Indonesian Marthin Losu at Thai Yamee Sutat, nagwagi ng ginto at silver sa 2015 Singapore staging.
Naorasan si Dino ng 52.77 segundo, habang bronze medalist si Sutat (53.38), habang ikaapat si Losu (53.75).
Nagwagi naman si Claire Calizo, bronze sa 100m freestyle, ng silver sa 200m freestyle S14 sa tyempong 2:44.81 sa likod ng kampeon na si Daielle Moi Yan Ting ng (2:29.890, habang pangatlo si Singaporean Che Zi Ling (2:53.00)
Sa kasalukuyan, nasa ikapitong puwesto ang Team Philippines sa medal standings tangan ang tatlong ginto, anim na silver at apat na bronze. Nangunguna ang Indonesia (35-17-18) kasunod ang host Malaysia (30-21-20) at Vietnam (15-22-15).