Ni: Jeffrey G. Damicog
Sinampahan ng kaso kahapon si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon dahil sa paglusot sa kawanihan ng P6.4-bilyon halaga ng shabu.
Isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kaso laban kay Faeldon at sa 11 iba pang opisyal at empleyado ng BoC, at sa 16 na iba pa, dahil sa pagsasabwatan umano sa inangkat na ilegal na droga at sa pagbibigay-proteksiyon sa drug traffickers, na paglabag sa RA 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Co-respondents ni Faeldon sa kaso sina Directors Milo Maestrecampo at Neil Anthony Estrella; ang intelligence officers na sina Joel Pinawin at Oliver Valiente; si Manila International Container Port district collector lawyer Vincent Phillip Maronilla; abogadong si Jeline Maree Magsuci; at mga empleyado ng BoC na sina Alexandra Ventura, Randolph Cabansag, Dennis Maniego, Dennis Cabildo, at John Edillor.
Kabilang din sa reklamo ng PDEA ang importers at facilitators ng shipment na sina Chen Ju Long, Chen Rong Juan, Manny Li, Kenneth Dong, Mark Taguba II, Teejay Marcellana, Eirene May Tatad, Emily Dee, Chen I-Min, at Jhu Ming Jyun.
Respondents din ang mga opisyal ng Hong Fei Logistics Inc., ang may-ari ng warehouse na pinagdalhan sa drug shipment, na sina Genelita Arayan, Dennis Nocom, Zhang Hong, Rene Palle, Richard Rebistual, at Mary Rose dela Cruz.
Bukod sa drug charges, sina Faeldon at ang 11 sa BoC ay nahaharap din sa obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree No. 1829.
Ang 12 respondents ay kinasuhan din ng negligence and tolerance sa ilalim ng Article 208 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Section 3 of RA 3019, ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.