Ni JUN FABON, May ulat ni Mary Ann Santiago

Iniulat kahapon na magsasagawa ng dalawang-araw na tigil-pasada ang Samahan ng Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization, o Stop and Go Transport Coalition, upang igiit ang mariing pagtutol sa jeepney phaseout na pinaplano ng pamahalaan.

Nabatid sa pulong sa Quezon City na itinakda ng grupo ang tigil-pasada sa Lunes at Martes, Setyembre 25-26, partikular sa Metro Manila.

Ayon kay Jun Magno, pangulo ng Stop and Go, target nila ang 90-100 porsiyento ng 74,000 jeepney driver sa buong Metro Manila na sasali sa tuluy-tuloy na 48 oras na tigil-pasada.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Partikular na tinututulan ng grupo ang P1.6 milyon ipapautang ng gobyerno sa bawat operator para umano makabili ng jeepney na pagaganahin ng kuryente.

Napag-alaman na ang nasabing utang ay babayaran ng P800 bawat araw sa loob ng pitong taon, o mangangahulugang abonado pa ng P200 kada araw ang bawat tsuper dahil sa liit ng kanilang boundary.

Iginigiit ng grupo na isailalim na lamang sa rehabilitasyon ang mga jeepney na 15 taon pataas, sa halip na pautangin sila para sa upgrade.

Kaagad na ring humingi ng paumanhin ang Stop and Go sa mga pasaherong maaapektuhan ng dalawang araw na tigil-pasada.

Matatandaang ilang beses nang naglunsad ng transport strike ang mga grupo ng jeepney driver at operator laban sa nabanggit na modernization program ng gobyerno.