Ni: Kate Javier, Jel Santos, Rommel P. Tabbad, at Beth Camia

Nang matagpuan ng magulang ng nawawalang teenager ang kanilang anak sa isang morgue sa Bulacan, gumuho ang kanilang mundo kasabay ng paglaho ng kanilang pangarap para rito.

Si Michael Angelo Remecio, 16, tricycle driver, na pangarap maging pulis, ay nawala simula nang umalis ito sa kanilang bahay sa Barangay 176, Caloocan City noong Agosto 26, dakong 9:00 ng gabi.

Ayon kay Genevie Remecio, 39, ina ni Michael, umalis ng bahay ang kanilang panganay na si Michael upang mamasada ng tricycle. Si Genevie ay barangay tanod sa kanilang lugar.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Matapos noon, hindi na umuwi ang kanilang anak. Basta na lang itong nawala.

“Sabi niya mamamasada lang siya ng tricycle pero hindi na siya bumalik,” pahayag ni Genevie sa Balita.

Nagtungo si Genevie at ang kanyang mister na si Dinisio sa isang morgue sa Bulacan nang mabalitaan ang isang inaagnas na lalaki ang natagpuan sa ilog sa Evergreen Subdivision, Barangay Gaya-gaya, San Jose Del Monte, Bulacan noong Setyembre 13, Miyerkules, bandang 3:00 ng hapon.

Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte police, nadiskubre ng mga kolektor ng basura ang naaagnas na bangkay, na isinilid sa sako ng bigas, matapos makaamoy nang mabaho.

Idinagdag ni Macariola na nakasuot ang biktima ng itim na shirt at basketball shorts at nakagapos ang mga kamay gamit ang nylon cord.

Positibong kinilala nina Genevie at Dionisio na si Michael ang bangkay sa mga suot nitong damit at sa mga peklat nito sa likod.

“Kilala ko ‘yung suot niya. Yung suot niyang short, sa akin iyon.” Pahayag ni Dionisio sa panayam sa telebisyon.

“Siya po iyon kasi maraming peklat sa likod. Nakuha niya iyon noong nadisgrasya siya sa motor,” dagdag ni Genevie.

Sinabi ng mga imbestigador na posibleng pinatay at itinapon sa ibang lugar ang biktima at inanod ng tubig.

Nagsagawa ng autopsy at DNA test ang awtoridad.

PAO AAKSIYON

Tutulungan ng Public Attorney’s Office (PAO) ang pamilya ni Remecio.

Ito ang tiniyak kahapon ni PAO chief Persida Rueda-Acosta kasabay ng pagsasabing isasalang nila sa deoxyribonucleic acid (DNA) test ang bangkay ni Remecio dahil naaagnas na ito.

Isasagawa ang pagsusuri sa kabila ng pagkumpirma ni Dionisio Remecio, ama ng biktima, na si Michael Angelo ang bangkay.

PAO NAGBABALA SA PAGHUKAY KAY KULOT

Binalaan ng PAO ang Philippine National Police (PNP) sa plano nitong paghukay sa labi ni Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Ayon kay Acosta, kung ipipilit ng PNP na hukayin pa ang labi ni Kulot ay hindi malayong maharap ito sa kasong administratibo.

Dagdag pa ni Acosta, walang DNA test na natatapos sa loob ng dalawa hanggang apat na araw.