Ni: Jeffrey G. Damicog at Hannah L. Torregoza

Nangako si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na gagawa ng legal na hakbangin laban kay Senador Risa Hontiveros at sa iba pa na ilegal na kinunan ng litrato ang kanyang pribadong text messages.

Sinabi ni Aguirre na plano niyang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Hontiveros para sa paglabag sa Republic Act 4200, ang Anti-Wiretapping Act, at maghain ng civil case sa korte sa pagtapak sa kanyang pribadong karapatan.

Bukod dito, sinabi ng Justice Secretary na kakasuhan niya rin si Hontiveros ng “administrative case before the Senate Committee on Ethics.”

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Binanggit ang Section 1 ng RA 4200, sinabi ni Aguirre na nakasaad sa batas na “unlawful for any person, not being authorized by all the parties to any private communication or spoken word, to tap any wire or cable, or by using any other device or arrangement, to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word by using a device commonly known as a dictaphone or dictagraph or detectaphone or walkie-talkie or tape recorder, or however otherwise described”.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, nanawagan si Hontiveros kay Aguirre na magbitiw sa puwesto sa aniya’y panggigipit sa kanya at sa iba pang miyembro ng oposisyon.

Samantala, sinabi kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi maaaring kasuhan si Hontiveros sa Anti-Wiretapping Law sa pagkuha ng litrato sa text messages ni Aguirre.

Ayon kay Drilon, dating justice secretary, walang nilabag si Hontiveros sa RA 4200, at hindi rin umano tinapakan ng senadora ang karapatan ni Aguirre sa privacy.

“There was no interference or wiretapping as contemplated under RA 4200 or the Anti Wiretapping Law,” diin ni Drilon.