ST. PETERSBURG, Fla. (AP/REUTER) – Muling lumakas ang Hurricane Irma habang papalapit sa Florida Keys nitong Linggo ng umaga upang mapanatili ang Category 4 status, sa pinakamalakas na hanging 210 kilometro bawat oras.

Sinabi ng U.S. National Hurricane Center na inaasahang hihina ang Irma ngunit mananatiling malakas na bagyo habang kumikilos patungong west coast ng Florida.

Pagsapit ng 5:00 ng umaga kahapon, ang sentro ng bagyo ay nasa 65 km ng timog-timog silangan ng Key West, Florida, at mabilis na kumikilos patungong hilagang kanluran. Libu-libong katao ang nananatili sa mga shelter at nag-aabang ng update habang sinasalanta ng bagyo ang kanluran, at ngayon ay posibleng hahagupitin ang Tampa at Miami.

Unang naramdaman ang lakas ng ‘Irma’ sa South Florida, ibinuwal ang mga punongkahoy at mga poste, at nawalan ng kuryente ang mahigit 170,000 kabahayan at mga negosyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Halos buong Florida coastline ang nanganganib sa bagyo, batay sa huling projections. Nagbabala ang forecasters ng storm surge na aabot sa taas na 15 talampakan.

Inutusan ni Florida Gov. Rick Scott ang mga residente na pumunta sa evacuation zones nitong Sabado. “This is your last chance to make a good decision,’’ aniya.

May 6.4 milyon katao ang pinalikas.

Sa Palm Beach, under evacuation din ang waterfront Mar-a-Lago estate ni President Donald Trump. Nasa Camp David sa Maryland si Trump at ang kanyang gabinete, at tumatanggap ng mga update kaugnay sa bagyo.

Ang Irma, isa sa pinakamalakas na bagyong dumaan sa Atlantic sa loob ng isang siglo, ay pumatay ng 22 katao sa mga isla sa Caribbean bilang Category 5 hurricane. Nagdulot ito ng matitinding baha at pinatag ang ilang kabahayan sa Cuba. Tinatayang bilyun-bilyong dolyar ang idudulot nitong pinsala sa Florida, ang ikatlong pinakamataong estado sa US.

BINAGYONG PINOY, PAUUWIIN

Samantala, tutulungang makauwi sa Pilipinas ang mga Pilipino sa British Virgin Islands, na sinalanta ng Hurricane Irma nitong mga nakaraang araw.

“More than 90 kababayans have already enlisted for repatriation due to the continued hardships they face in getting necessities and medicines,” pahayag ni Minister Patrick A. Chuasoto, Chargé d’Affaires ng Philippine Embassy sa Washington, D.C.

Dumating ang response team ng Philippine Embassy sa Puerto Rico nitong Linggo (oras sa Manila) at naghihintay ng hudyat para magtungo sa katabing British territory.

Mayroong 264 na Pinoy ang nagtatrabaho sa British Virgin Islands.

Mahigpit ding binabantayan ng Philippine Embassy ang pagtama ng Hurricane Irma sa Florida. - May ulat ni Tara Yap