Nina JEL SANTOS, FER TABOY, at ORLY L. BARCALA
Sinabi kahapon ng Public Attorney’s Office (PAO) na ang crime scene—kung saan iniulat na pinatay ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz sa isang shootout— ay planado, sinabing ang dating University of the Philippines (UP) student ay pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang sa C3 Road sa Caloocan City.
Si Arnaiz, 19, ay ibinulagta ng mga pulis matapos umanong holdapin ang isang taxi driver sa kahabaan ng C3 Road sa Barangay 28, Caloocan noong Agosto 18. Makalipas ang ilang araw, siya ay natagpuan ng kanyang pamilya sa isang morgue sa Caloocan. Binaril ni Arnaiz ang mga pulis, ayon sa awtoridad.
Ang teenager, ayon sa PAO, ay nagtamo ng limang bala sa katawan— apat sa dibdib at isa sa kanang braso. Napag-alaman din na namamaga ang pulso ni Arnaiz na may marka ng posas. Base sa post-mortem ng PAO, tinorture muna ang dating UP student bago pinagbabaril.
“There’s really no evidence to support ang narrative na doon siya (Arnaiz) napatay…Mukhang tinapon lang ang body niya roon sa ipinapakitang crime scene. It was staged,” pahayag ni Dr. Erwin Erfe, PAO’s forensic laboratory director, sa Balita.
Sinabi niya na walang bakas ng dugo. Sinabi rin niya na ang mga basyo ng bala na tumama sa katawan ni Arnaiz ay hindi natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.
“Naghanap kami ng blood [traces] knowing na doon siya tinamaan ng bala. Naghanap din kami ng bullet tracks doon sa top soil---sa ibabaw ng lupa. Pero negative, wala kaming nakuha,” ani Erfe.
“Naghanap din kami ng tama ng bala sa mga poste to check kung totoo ang sinasabi ng mga gumawa ng spot report--- kung talagang nagkaroon ng shootout doon at kung doon nga nabaril si Arnaiz,” dagdag niya.
Ayon kay Police Chief Insp. Ilustre Mendoza, Caloocan police officer-in-charge, ang mga pulis na nakaengkuwentro ni Arnaiz ay nagtatago sa likod ng poste ng kuryente kaya hindi sila nasugatan.
“Noong pinapahinto ‘yung Carl, bumuwelta, pumutok so taguan sila (mga pulis) sa poste. So pumutok na naman---taguan sila sa kotse,” pahayag ni Mendoza sa isang press conference sa Caloocan City Hall noong Setyembre 4.
Sinabi ng forensic expert na ang mga bakas ng dugo ay hindi matatanggal kahit umulan, sinabing dapat mayroong mga marka ng dugo sa mga halaman kung doon pinatay si Arnaiz.
“‘Yung mga dugo-dugo usually nasa under [o] side iyan ng mga dahon. Makikita mo rin doon sa stem [ng halaman] kahit pa umulan ay may makikita ka pa rin diyan. Kasi, sa mga tama ni Carl na ganoon, may makikita ka paring dugo [dahil] maraming dugo na lumabas sa kanya. Pero bakit wala kaming nakitang dugo doon?” paliwanag ni Erfe.
POSIBLENG PANANABOTAHE AALAMIN
Pinakilos na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagpatay kina Kian delos Santos at Arnaiz ng Caloocan City Police Office (CCPO) sa Caloocan City.
Inatasan ni Dela Rosa si Police Director Oscar Albayalde, hepe ng NCRPO, na alamin kung may pananabotahe sa kampanya ni Pangulong Duterte.
Ayon sa Pangulo, posibleng may nananabotahe sa PNP upang dungisan ang imahe ng administrasyong Duterte.
BODY CAMERAS PARA SA PULIS
Plano ng Caloocan City Local Government Unit (LGU) na bumili ng mga body camera na makatutulong sa anti-crime operation ng mga pulis.
Ito ang ipinahayag ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kasunod ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang mga pulis sa pagkamatay ng mga menor de edad.
“Nakikita doon kung ano talaga ang ginawa nila. Kung tinorture nila ‘yung tao, o kung lumalaban. Proteksiyon din ng pulis ‘yun. Proteksiyon ng mamamayan, at proteksyon ng pulis. Hindi sila puwedeng baligtarin,” ani Malapitan.