Ni: Leonel M. Abasola

Ipaaaresto ng Senado si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon sakaling muli itong hindi dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Lunes, Setyembre 11.

Kahapon, lumiham lamang si Faeldon at iginiit na hindi na siya dadalo sa pagdinig ng komite ni Senator Richard Gordon dahil wala siyang tiwala na patas ang mga senador.

“I no longer have faith in the impartiality of some of its members who have lied to malign me and other resource persons, particularly the officials he took with him to the Bureau of Customs,” saad sa liham ni Faeldon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinukoy ng dating komisyuner si Sen. Panfilo Lacson na nag-akusa sa kanya, at binuweltahan naman niya na sangkot ang anak nitong si Panfilo Jr., sa smuggling ng semento.

Hinamon pa ni Faeldon ang mga senador at kongresista na sampahan na lamang siya ng kaso.

“So that the Senate and public would know what happened, I strongly urge senators and congressmen to immediately file cases against me and my team,” ani Faeldon.

Ikinagalit naman ito ni Gordon, at sinabing may malisya ang liham ni Faeldon. Dagdag pa ng senador, kung muling hindi makadadalo ang dating Customs chief sa Lunes ay ipaaaresto niya ito.