Ni: Orly L. Barcala
Naaresto ng mga pulis ang isang 16 anyos na lalaki, na nagsisilbi umanong runner ng drug syndicate, matapos makumpiskahan ng P25,000 halaga ng umano’y shabu at sumpak sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa report ni Caloocan Drug Enforcement Unit head Chief Inspector Timothy Aniway, Jr., kinilala ang suspek sa alyas na Rommel.
Ayon kay Aniway, nakatanggap sila ng tawag tungkol sa pagiging runner ng shabu ng binatilyo sa Barangay 186, North Caloocan City.
Agad rumesponde ang awtoridad, kabilang si Aniway, sa lugar at namataan ang suspek na agad nilang kinapkapan, dakong 8:00 ng gabi.
Bukod sa umano’y shabu, nakuha rin mula kay Rommel ang isang sumpak.
Ayon sa suspek, isang alyas Erwin ang nagbibigay sa kanya ng shabu at idini-deliver niya sa isang alyas Aning.
Binibigyan umano si Rommel ng P100 sa kada deliver ng droga.
“Wala kasi akong pambili ng damit kaya naging runner ako ng shabu kahit alam kong bawal,” pahayag ni Rommel.
Ayon naman kay Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, nakatakda nilang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek kahit menor de edad ito.