Nina RAYMUND F. ANTONIO at BEN R. ROSARIO
Tinutulan ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo kahapon ang ideya na pagkalooban ng immunity ang pamilya Marcos kapalit ng pagbabalik ng mga ninakaw na yaman sa pamahalaan.
Sinabi ni Robredo na hindi dapat humingi ng immunity ang mga Marcos dahil hindi naman sila umamin sa kanilang mga kasalanan na pagnakaw sa pondo ng bayan.
“Bago pag-usapan iyong immunity, dapat may pag-amin muna ng kasalanan. Mahirap magpatawad sa isang tao na hindi naman inaamin iyong kasalanan,” anang Robredo sa mga mamamahayag sa pagbisita niya sa isang maralitang pamayanan sa Pasay City.
“Wala healing na mangyayari, wala dapat immunity na mangyayari hanggang hindi pa inaamin iyong kasalanan,” dagdag ni Robredo.
Ito ang komento ng Vice President nang tanungin tungkol sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hihingi ang mga Marcos ng immunity kapalit ng pagbalik ang mga ninakaw na yaman ng pamilya.
Ngunit sinabi ni Duterte na tanging ang Kongreso ang makapagbibigay ng immunity.
Ang posibilidad na yayaman ang bansa sa 7,000 toneladang ginto na sinasabing ibabalik ng mga Marcos ang nagtulak sa mga lider ng House minority bloc na tutulan ang pagkakaloob ng immunity mula sa criminal prosecution sa pamilya.
Sa press conference kahapon, binigyang-diin ng oposisyon sa pamumuno ni Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na maaaring magkaroon ng constitutional issues laban sa hakbang ngunit sumang-ayon na mareremedyuhan ito.
Nagpahayag naman ng suporta si Senior Deputy Minority Leader at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa panukalang compromise agreement sa pamilya Marcos upang mawakasan na ang matagal na laban sa korte at mabawi ng gobyerno ang ninakaw na yaman ng dating diktador Pangulong Ferdinand E. Marcos.
“I believe we should grab the opportunity because the President no less took interest on it and there is an admission now that they are willing to settle,” anang Atienza. “Rather than put road blocks, let’s try to look for ways to do it.”