Ni: Charina Clarisse L. Echaluce, Liezle Basa Iñigo, at Mary Ann Santiago

Siyam na indibiduwal ang namatay ngayong taon nang dahil sa mosquito-borne disease na Japanese encephalitis (JE), pagkukumpirma ng Department of Health (DoH).

Sa datos ng DoH, ang siyam na namatay sa JE ay naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 26.

Pito sa mga ito ay mula sa Central Luzon; apat sa Pampanga, dalawa sa Zambales, at isa sa Nueva Ecija. Isa rin ang naitala sa Pangasinan, habang ang isa ay sa Laguna.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kumakalat ang nasabing sakit sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

Ilan sa mga sintomas ay lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagkalito at hirap sa pagkilos. Ito ay karaniwang lumalabas sa loob ng 15 araw.

MAHIGIT 100 KASO

Ang kaso ng pagkamatay ay kabilang sa 133 JE case na naitala ng DoH mula Enero 1 hanggang Agosto 26 ng kasalukuyang taon.

Sa nasabing bilang, 53 ay mula sa Central Luzon.

WALANG PAGBUGSO NG KASO

Habang marami ang naaalarma sa kaso ng JE at pagkamatay sa nasabing sakit sa ilang parte ng Pilipinas, nilinaw ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na walang bugso ng kaso ng JE sa bansa.

“There is no surge! The cases reported this year is 72 percent lower than last year,” sambit ni Ubial.

Sinabi rin niya na tuwing tag-ulan tumataas ang kaso ng JE.

ISA PATAY SA PANGASINAN, KINUKUMPIRMA

Pinaiimbestigahan na rin ng provincial health office ang ulat na may namatay sa Pangasinan dahil sa JE.

“Pinapa-confirm at investigate pa ho namin,” pahayag ni Ana De Guzman, provincial health officer.

Naiulat na nang dahil sa nasabing sakit, apat na ang namatay sa Pampanga; dalawa sa Zambales; tatlo sa Pangasinan, Laguna, at Nueva Ecija.

JE VACCINE SA BUDGET

Target ng DoH na maisama sa budget ng kanilang National Immunization Program (NIP) ang bakuna laban sa JE.

Ayon kay Ubial, hinihintay na lamang nila na mairehistro sa Food and Drugs Administration (FDA) ang naturang bakuna upang maging available na ito sa bansa sa susunod na taon.