Ni RIZALDY COMANDA

Hiniling ng mga kaanak ng treasure hunter na si Rogelio Roxas na mabigyan sila ng bahagi ng yamang ibabalik ng pamilya Marcos sa pamahalaan.

Ayon kay Henry Roxas, anak ni Rogelio, hindi na sila interesado na maibalik pa sa kanila ang Golden Buddha, kundi mabigyan sila ng nararapat na halaga sa mga gold bar na kasamang kinuha ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa kanyang ama.

Ang kontrobersiyal na Golden Buddha ay nahukay ni Rogelio Roxas at ng mga kasamahan nito sa lugar na ngayon ay kinatatayuan ng Baguio General Hospital noong 1971. Sinasabing kabilang ito sa mga ibinaong yaman ni General Tomoyuki Yamashita, na namuno sa Japanese Imperial Army sa bansa noong 1944.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinasabi na ang purong gintong buddha ay may bigat na 1,000 kilo at may taas na 3 talampakan. Bukod dito ay may nakuha ring mga gold bar ang grupo ni Roxas.

Nang malaman ni noo’y Pangulong Marcos ang tungkol dito, nilusob niya ang bahay ni Roxas at kinuha ang Golden Buddha at mga gold bar, at ipinadakip si Roxas.

Naghain ng reklamo ang pamilya Roxas at makalipas ang anim na buwan ay ibinalik sa kanila ang sinasabing gintong buddha, na ngayon ay nasa Regional Trial Court sa Baguio City. Hindi ito kinukuha ng pamilya Roxas, dahil naniniwala sila na hindi na ito ang totoong Golden Buddha.

Nang mapatalsik si Marcos noong 1986, nagsampa ng kaso ang pamilya Roxas sa korte sa Honolulu, Hawaii, kung saan namalagi ang dating pangulo.

“The Honolulu court awarded damages of 9 million dollars in favor of heirs of Roxas, pero hindi naman ito naibigay ni Marcos,” ayon kay Councilor Edgar Avila.

Muling naghain ng apela ang pamilya Roxas sa estado ng California at hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang kaso.

“Umaapela kami na kung totoong maibabalik ang Marcos wealth ay mabigyan din kami sa aming paghihirap at sa mga kasamahan ng ama ko na nakakuha ng golden buddha,” anang Henry.