NI: Leonel M. Abasola

Pinadadalo ng Senate Blue Ribbon Committee si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong sin Atty. Manases Carpio sa susunod na pagdinig ng komite sa Huwebes upang magbigay-linaw sa kanilang nalalaman tungkol sa “Davao Group” sa Bureau of Customs (BoC).

Ito ay kaugnay pa rin ng P6.4-bilyon shabu shipment na lumusot sa BoC, at sa mga naunang pagdinig ay nabanggit ng whistleblower na si Mark Taguba ang tungkol sa katransaksiyon niyang Davao Group, gayundin ang pangalan ng magbayaw.

“Ipapatawag natin at para matapos kaagad ‘yan, dahil ako’y aalis. Mayroon akong mga meeting sa ibang bansa. September 7 ipapatawag natin ‘yan. Hopefully, hindi naman tayo mapahiya,” sabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Pero sa pananaw ni Senator Antonio Trillanes IV, tinamaan lang si Gordon ng “public pressure” kaya bumigay na rin ito.

Gayunman, anuman ang dalhin ng pagpapatawag sa magbayaw ay handa naman umano si Trillanes na kumprontahin ang mga ito.

Si Trillanes ang nagpursigeng ipatawag ang dalawa sa Senate hearing, na humantong pa nga sa mainit na sagutan nila ni Gordon at ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III.

Dahil dito, nagbanta pa si Gordon na sasampahan ng ethics complaint sa Senado si Trillanes.