NI: Mary Ann Santiago
Nasa 100 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog na tumupok sa 60 bahay sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Fire Chief Insp. Roberto Semillano Jr., ng Mandaluyong City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na ang sunog ay nagsimula dakong 1:30 ng umaga sa Block 22 Extension, Molave Street sa Welfareville Compound, Bgy. Addition Hills.
Ayon sa BFP, hinalang sa pinauupahang bahay ng isang Jaime Ignacio nagsimula ang sunog dahil umano sa napabayaang kandila.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 3:10 ng umaga.
Naging mabilis naman ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa light materials ang karamihan sa mga natupok na bahay, habang nadamay din sa sunog ang isang tambakan ng papel.
Wala namang naiulat na nasawi pero ilang residente ang bahagyang nasugatan habang tinatangkang apulain ang apoy, na tumupok sa tinatayang aabot sa P500,000 halaga ng ari-arian.
Pansamantalang nakatuloy sa basketball court ng Bgy. Addition Hills ang mga nasunugan.