UMABOT na ng ika-100 araw nitong Miyerkules, Agosto 30, ang bakbakan sa Marawi City at nananatiling kontrolado ng mga teroristang Maute ang ilang bahagi ng lungsod.

Sa isang ulat ilang araw na ang nakalipas, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa 30 hanggang 40 rebelde na lamang ang nagkukubli sa mga nawasak na mosque at iba pang istruktura, kasama ang ilang bihag. Iniisa-isa ng mga tropa ng gobyerno ang siyudad, ang bawat kalye, bawat gusali at iniiwasan ang malawakang pag-atake upang hindi na madagdagan pa ang nasawi sa panig ng puwersa ng gobyerno at ng mga bihag.

Sinabi ni Pangulong Duterte nitong Miyerkules na pinigilan niya ang AFP sa planong pambobomba sa mga mosque kung saan nagkukubli ang mga terorista, dahil masyado itong malupit at tiyak na ikagagalit ng mga Muslim sa Marawi at sa iba pang panig ng Mindanao. Ngunit masyado na aniyang matagal ang bakbakan kaya ipinauubaya na niya sa AFP — sa pinakamatataas na opisyal nito at sa mga ground commander — ang desisyon kung maglulunsad na ang mga ito ng malawakang opensiba upang tuluyan nang matapos ang labanan, kabilang ang — kung talagang kinakailangan — pambobomba sa lahat ng gusali, kabilang ang mga mosque, na nagsisilbing teritoryo ng depensa ng mga terorista laban sa mga tropa ng gobyerno.

Mauunawaan natin ang pagkainip ng ilang panig kaugnay ng patuloy na pananatili ng mga teroristang Maute sa siyudad sa kabila ng napakarami nang puwersa ng pamahalaan ang nasa lugar ng bakbakan. Ngunit ang digmaan sa Marawi City ay hindi lamang basta padaigan ng armas. Isa rin itong labanan para sa mga puso at isipan ng mga residente sa siyudad na sentro ng kulturang Muslim sa buong Mindanao.

Sa mga dako ng Marawi kung saan naitaboy ang mga rebelde, sinimulan na ng mga sundalo at pulis, armado ng mga walis at brotsa, ang paglilinis sa mga nawasak na lansangan. Isang espesyal na unit ng mga pulis na Maranao ang itinalaga upang linisin ang mga mosque sa layuning matiyak na walang anumang paniniwala at tradisyong Islam ang malalabag.

Binuo ang isang pawang babaeng puwersa ng 102 sundalo at pulis para magtungo sa mga evacuation center sa Iligan City at sa iba pang lugar sa Lanao del Sur upang ayudahan ang mga pamilya na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan sa Marawi City. Hindi Muslim ang 102, ngunit nakasuot sila ng puting hijab, mga puting panyo na ibinalot nila sa kanilang mga ulo gaya ng ginagawa ng kababaihang Muslim. “It is one way of showing our respect for Muslim culture. It is an honor to wear it,” sabi ng isa sa mga babaeng pulis.

Mawawalang silbi ang lahat ng mga pagsisikap na ito kung babalewalain natin ang damdamin at pagkabahala ng mamamayan ng Marawi. Mahalagang bahagi ng kanilang mga buhay ang mga mosque, gaya rin ng mga cathedral at dambana ng mga Kristiyano. Sa kanilang pagbabalik sa kanilang mga bahay mula sa pananatili sa mga evacuation center, sisikapin nilang magsimula muli at ibalik ang dating pamumuhay. Nais nilang muling magtipun-tipon sa kanilang mga mosque.

Sinabi ni Pangulong Duterte na masyado nang matagal ang digmaan sa Marawi kaya ipinauubaya na niya sa militar ang lahat. Tiyak nating nauunawaan ng pamunuan ng militar ang mga pangamba at prinsipyo sa likod ng polisiya ng Pangulo na pigilan ang pambobomba sa mga mosque sa nakalipas na mga buwan. Maaaring nabigyan sila ng opsiyon upang gawin ang nararapat at magkasa ng malawakang opensiba na tuluyang lilipol sa mga terorista sa Marawi City, ngunit inaasam nating ipagpapatuloy nila ang labanan nang patuloy na nagpapairal ng respeto sa mga pinahahalagahan ng mamamayan ng Marawi, ang mismong mga biktima ng digmaan, kabilang na ang kanilang lugar ng pagsamba.