Ni: Liezle Basa Iñigo
Pinaghahanap ngayon sa buong Region 2 ang driver at may-ari ng puting Toyota Wigo na namaril ng pampasaherong Five Star Bus sa national highway sa Barangay Rizaluna sa Alicia, Isabela.
Nang mga oras na iyon ay may 26 na pasahero ang bus (AWC-826), bagamat wala namang nasaktan sa mga ito.
Ayon sa report ng Alicia Police, anim na beses na pinaputukan ng driver ng Toyota Wigo (conduction sticker number YZ-6613), ang bus bandang 8:15 ng gabi nitong Martes.
Parehong patungong norte ang dalawang sasakyan at nais umanong lumusot ng bus pero hindi ito pinasingit ng Wigo.
Nang makarating ang bus sa Bgy. Burgos sa Alicia at nagbaba ng pasahero ay doon na pinagbabaril ng driver ng Wigo ang sasakyan.
Nakarekober ang pulisya ng walong basyo ng .9mm caliber pistol sa crime scene.