Ni Edwin Rollon

6th place ng RP Team sa SEAG, nakalulungkot; foreign coach, sibak sa PSC.

PARA sa Philippine Sports Commission (PSC): Panahon na ng pagbabago sa Philippine sports.

At bilang panimula, ipinahayag ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang awtomatikong pagsibak sa mga foreign coach, gayundin ang paglimita sa pagbibigay ng pondo sa mga National Sports Association (NSA) higit yaong walang maipiprisintang bagong programa – mula sa scouting, grassroots sports, national tournament at elite athletes.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We will no longer extend all contracts for foreign coaches. Wala namang nangyayari, eh!. The government spent at least P250,000 for foreign coach, but look what happened sa sports nila, walang na-produced na medalya,” pahayag ni Ramirez.

“Itataas natin ang suweldo ng mga lokal coach, to inspire them at magpursigeng mas matuto. Mas gugustuhin ko nang gumastos sa lokal coach na talagang makikinabang ang ating mga atleta, keysa sa foreign coach na hindi naman maaasahan. In fact, nakahanda na ang ating programa sa Philippine Sports institute (PSI) para sa ating mga lokal coach,” aniya.

Iginiit ni Ramirez na wala siyang problema sa presensiya ng foreign coach o kung nais ng mga sports association na mag-hired ng kanilang serbisyo.

“But don’t expect us (PSC) to pay for their salary. Kung gusto ninyo ng foreign coach kayo ang mag-pasuweldo, hindi ang pamahalaan. Marami tayong kababayan ang nagugutom, ang daming sundalo ang nagtitiis sa maliit na suweldo, tapos kayo sitting pretty lang, tapos na ang yugtong ito. It’s time for change, a real change,” pahayag ni Ramirez.

Ilang sports association ang minamanduhan ng foreign coach tulad ng gymnastics, shooting, equestrian, fencing, at football.

Ayon kay Ramirez, nakakahiya sa sambayanan ang patuloy na pagbagsak ng estado ng sports kung saan maging sa pinakamababang kompetisyon – Southeast Asian Games – ay hindi makaahon ang Team Philippines sa labas ng top 3 sa overall medal standings.

Sa 29th edisyon ng biennial meet sa Kuala Lumpur, Malaysia na nakatakdang magtapos ngayon, nanatiling sadlak sa ikaanim na puwesto ang Team Philippines tangan ang kabuuang 23 ginto, 28 silver at 55 bronze medal. Ang pinakamasaklap na kampanya ng Team Philippines ay noong 1999 edition sa Brunei kung saan nakakuha lamang ng 20 ginto ang Pinoy, ngunit may 21 sports lamang ang pinaglabanan dito. Nakuha ng bansa ang tanging overall championship noong 2005 edition sa Manila sa nakamit na 113 gintong medalya.

Ang masakit, ayon kay Ramirez ay ang katotohanan na hindi man lamang napantayan ng delegasyon ang 29 gintong medalya na napagwagihan sa Singapore Games may dalawang taon na ang nakalilipas.

“I don’t think Filipinos deserved 6th place in the SEA Games. What went wrong? I don’t want to finger point anybody.

But for the record, the PSC as mandated by law, fulfilled its duties by releasing P300 million for training, equipment, international exposure for the athletes,” sambit ni Ramirez, itinalagang PSC chief ni Pangulong Duterte may isang taon na ang nakalilipas.

“We’re focus for the Asian Games next year, then the SEAG hosting in 2019. Hopefully, may atleta tayong maipadala sa 2020 Tokyo Games. We’re doing our best, hopefully, the NSA and the Philippine Olympic Committee (POC) get their acts together. Maraming dapat ayusin at baguhin sa sistema. Kawawa ang mga atleta, kawawa ang Philippine sports,” ayon kay Ramirez.

Kabuuang 497 atleta ang pinadala ng bansa sa Malaysia para sumabak sa 37 sports, ngunit 27 lamag ang nakapagwagi ng medalya, kabilang ang 13 na may isa o higit pang gintong medalya. Ang athletics na may 45 events (23 sa lalaki at 22 sa babae), ngunit nakakuha lamang ng limang ginto, tatlong silver at 10 bronze ang Pinoy para tanghaling ‘winningest NSA’ para sa Team Philippines.

Ang swimming na may 40 events (20 sa lalaki at 20 sa babae) ay kalunos-lunos ang kampanya sa nakalipas na ilang edisyon ng biennial meet kung saan nakapag-uwi lamang ng dalawang silver at limang bronze.

Narito ang medal production ng mga NSA sa 29th SEA Games: Archery (0-1-4), Athletics (5-3-10), basketball (1-0-0), Billiards (2-1-2), Bowling (0-0-1), Boxing (2-1-2), Cycling (0-0-1), Equestrian (1-1-0), Fencing (1-3-2), Golf (0-0-1), Gymnastics (2-1-3), Ice Hockey (1-0-0), Ice Skating (0-1-1), Judo (2-0-3), Karatedo (0-3-4), Lawn Bowls (1-3-2), Sailing (0-0-1), Sepak (0-1-2), Shooting (0-0-1), Squash (0-1-3), Swimming (0-2-5), Table Tennis (0-0-1), Taekwondo (2-2-3), Tennis (0-2-2), Triathlon (2-2-0), Wakeboard (0-0-1), Wushu (1-1-0).

Nabokya naman ang Pinoy sa Aquatic open water, Water Polo, Badminton, Football, Indoor Hockey, Muay, Netball, Petanque, Rugby 7s, Volleyball, Shooting, at Weightlifting