April 16, 2026

Home BALITA National

Tinibag si Matibag! 18 ex-Marines, nanindigang nagtrabaho silang lahat kay ex-Rep. Zaldy Co

Tinibag si Matibag! 18 ex-Marines, nanindigang nagtrabaho silang lahat kay ex-Rep. Zaldy Co
Photo courtesy: via Balita. via MB


Pinasinungalingan ng nagpakilalang 18 ex-Marines ang umano’y pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na walo raw sa kanila ay hindi nagsilbi kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Matatandaang sinabi ni Matibag sa isang panayam sa NBI Headquarters sa Pasay City kamakailan na may nagkumpirma sa kaniya ng naturang impormasyon.

“One thing that has come out is that not all of them served Zaldy Co as close-in bodyguards. We have already identified who the eight actually served as drivers and bodyguards. So, there are already inconsistencies,” saad ni Matibag.

Buwelta naman ng umano’y ex-Marines, hindi raw ito totoo.

“Sir, ‘yong sinasabi po ni NBI Director na ‘yong walo po na hindi po nagtrabaho kay Boss Zaldy, hindi po yon totoo, sir. Lahat po kami sir, nagtrabaho kay Boss Zaldy Co,” saad ni ex-Staff Sergeant Johnny Buduan ng Philippine Navy sa kanilang pakikipanayam sa programang “Banateros” noong Sabado, Marso 14.

Natanong pa ang 18 ex-Marines kung saan daw kaya nakuha ni Matibag ang anila’y “tsismis” na iyon.

“Hindi lang namin alam po sir kung saan po nanggagaling ‘yong mga [‘yon],” ani Buduan.

Kinuwento din ng mga umano’y dating Marines kung paano sila nakapasok o na-hire ni Zaldo Co.

“Unang-una po sir, nag-hire po si Boss Zaldy ng Marines. So, first siyang nag-hire sa amin, PA—PA Marines. So, lahat ng proseso, ginawa po namin—pag-apply,” pagkukuwento ni ex-Sgt. Rommel Bobares ng Philippine Navy.

Sinabi pa niya na una raw nanghingi si Zaldy Co ng pitong Marines sa loob ng isang linggo, hanggang sila ay dumami na nang dumami.

Giit pa nila, dumaan naman daw sila sa proseso.

Isiniwalat din niya sa nasabing panayam kung bakit tila “Marines” ang kinukuha ni Zaldy Co noong mga panahong iyon.

“Ang story po kasi niyan, ‘yong si ano po sir, mga Tulfo, Marines po ‘yong mga security niya. So, nag-usap po sila… sabi po, ‘Boss Zaldy, ano ba ‘yong mga security mo? Ah, ganito ganito. Sabi niya, kuha ka ng Marines. Hindi ka iiwan niyan hanggang kamatayan; pero biniro niya, huwag mo lang gutumin.’,” ani Bobares.

Giit pa niya, mayroon daw silang mga katibayan na magpapatunay na sila raw ay tunay na nagsilbi kay Zaldy Co. 

Ilan lamang sa mga ito ay company IDs at litrato na kasama mismo ang dating kongresista.

Sa parehong panayam, pinalagan din nila ang akusasyong sila ay gipit lamang kung kaya’t bigla na lamang silang lumantad sa publiko.

“Since noong umalis kami sa serbisyo hanggang noong nagtrabaho kami kay Boss Zaldy, mayroon naman po kaming kaunting naipon. Although natanggal kami, pero yung naipon namin, ‘yon po yung ginagamit namin hanggang ngayon na ikinabubuhay ng aming pamilya,” ani Buduan.

Dagdag pa niya, “Hindi po magandang akusasyon sa amin 'yan na ginagawa nila sa amin.”

MAKI-BALITA: 18 ex-Marines, pumalag sa akusasyong 'gipit lang sila' kaya napilitang lumantad!-Balita

Matatandaang pumutok ang kontrobersiyal na isyu ng 18 ex-Marines matapos nilang isiwalat sa publiko na sila ay nagsilbi umanong “bagmen” ni Zaldy Co, upang maghatid ng mga maleta na naglalaman umano ng bilyon-bilyong pera sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.