Ni: Celo Lagmay

BAGAMAT nakalipas na ang paggunita sa National Heroes Day, hindi ko naman maaaring palampasin ang pagdakila sa iba pa nating mga kababayan na maituturing ding mga tunay na bayani. Kapuna-puna tuwing ipinagdiriwang natin ang naturang makasaysayang okasyon, kaagad sumasagi sa aking kamalayan ang kalalakihan at kababaihan na itinuturing na mga pambansang bayani.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagbigay-diin sa katapangan, kagitingan at pagkamakabayan ng ating mga bayani. Dapat lamang ang gayong pagpapahalaga at pagdakila, lalo na yaong mga namuhunan ng dugo at buhay sa pagtatanggol sa ating kasarinlan laban sa mga dayuhang mananakop. Hindi ba kabilang dito ang mga sundalong Amerikano na sinasabing pasimuno sa mistulang pagnakaw ng Balangiga Bells sa Visayas?

Angkop lamang ang pagdakila ng Pangulo sa kagitingan ng ating mga kawal na buong-tapang na nakikipagdigmaan sa teroristang Maute Group. Hanggang ngayon, daan-daang buhay ang nakikitil sa magkabilang panig. Sa ating mga kawal lamang, umaabot na sa 130 ang namamatay sa labanang sumisiklab pa. Kaakibat nito ang pagkawasak ng mga bahay at gusali na lubhang nangangailangan ngayon ng puspusang rehabilitasyon. Nagdurusa pa ang libu-libo nating kababayang Maranao sa iba’t ibang evacuation centers.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa kabila ng ganitong pagdakila sa mga bayani ng digmaan, hindi kailanman maaaring kaligtaan ang kabayanihan naman ng iba pang sektor ng sambayanan na nagpamalas din ng naiibang kagitingan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.

Nangunguna na rito ang ating mga overseas Filipino worker (OFW) na tinagurian nating makabago o buhay na mga bayani.

Hindi mapasusubalian ang kanilang mistulang pagbuhay sa ating nanlulupaypay na ekonomiya para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng kanilang bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala sa ating bansa, tumatatag ang ating kabuhayan; ang kanilang remittances ay nagiging bahagi ng pondo na inilaan sa mga proyekto ng gobyerno. Marapat lamang na, bilang sukli sa kanilang... kooperasyon, ang kanilang mga pribilehiyo at kaluwagan ay hindi dapat pag-alinlangan ng mga tiwali sa administrasyon.

Sa paggunita sa nasabing natatanging okasyon, nakaukit pa sa aking utak ang kabayanihan ng isang kabataan na nagligtas ng maraming buhay nang maganap ang malagim na trahedya sa Pagoda sa Wawa sa Bocaue, Bulacan, maraming taon na ang nakalilipas. Naging hudyat ito upang maging maingat at handa sa pagdaraos ng mga prusisyon.

Kahit na ang ating mga alagang hayop ay nagpapamalas din ng kabayanihan. Sino ang makalilimot, halimbawa, sa mistulang pagpapasagasa ng asong si Kabang upang mailigtas lamang sa kamatayan ang isang bata. Siya, at marami pang iba, ay maituturing ding mga tunay na bayani.