Ni: Czarina Nicole O. Ong
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Second Division si dating Malimono, Surigao del Norte Mayor Clemente G. Sandigan Jr. sa kasong malversation sa umano’y maling paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating Senator Robert Z. Barbers noong 2004.
Inakusahan si Sandigan ng personal na paggamit sa P700,000 mula sa PDAF ni Barbers na inilaan sa mga proyekto ng iba’t ibang barangay sa Malimono.
Sa halip na gamitin ang pera para sa mga beneficiary project ni Barbers, ginamit umano ni Sandigan ang pondo sa rehabilitasyon ng isang farm-to-market road sa Barangay Hanagodong.
Nag-plead ng not guilty si Sandigan. Sa paglilitis, sinabi ni Sandigan na may pinaglaanan na pala ang P700,000, at natuklasan lamang niya ito noong Disyembre 2004 nang ibigay sa kanya ng municipal treasurer ang mahahalagang dokumento kaugnay ng pondo.
Sinabi ni Sandigan na tinawagan niya si Barbers at ipinaalam dito ang tungkol sa kanyang pagkakamali, at sinabihan naman siya ni Barbers na magsulat ng liham upang pormal na ipaalam ang usapin sa Department of Budget and Management (DBM).
Kinatigan naman ng korte ang depensa ni Sandigan. “There is no direct evidence proving that the accused committed malversation of public funds,” saad sa resolusyon.
Hindi rin nagawang patunayan ng prosekusyon na ginamit ni Sandigan sa personal niyang interes ang P700,000 sa PDAF ni Barbers. “At most, the prosecution was only able to prove that the subject fund was received by the municipality and is now missing,” bahagi pa ng resolusyon.
Sinabi pa ng korte na hindi “highly unbelievable” na hindi alam ni Sandigan ang paggagamitan sa PDAF nang panahong tinanggap ng munisipalidad ang pondo, kaya ginamit na lang ito ng noon ay alkalde sa rehabilitasyon ng kalsada.
Dahil dito, nagpasya ang korte na hindi nagkasala si Sandigan sa malversation dahil sa kakulangan ng ebidensiya.