Ni REY BANCOD

KUALA LUMPUR – Hindi lamang isa kundi limang judokas ang posibleng maging panlaban sa Oympics ang nilikha nang pagsapi ni Kiyomi Watanabe sa Philippine Team.

Bunsod nang matagumpay na kampanya bilang National judo player, nakumbinsi rin ng 21-anyos na si watanabe ang kapwa Filipino-Japanese judokas na sina Mariya Takahashi,magkapatid na Keisei at Shugen Nakano, Kohei Kohagura at Tomohiko Yoshina.

Ayon kay Dave Carter, pangulo ng Judo Federation of the Philippines, unang dumating sa National Team si Tomohiko, ngunit mas naging madali ang kanilang pagrecruit sa iba pang Japanese-breed Filipino sa pagkapanalo ni Watanabe sa kanyang unang pagsalang sa Sea Games noong 2013.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Malakas ang appeal ni Kiyomi, eh,” aniya.

Nitong 29th edition sa Kuala Lumpur, Malaysia, nakamit ni Watanabe ang ikatlong sunod na SEAG title, sapat para maging pambato ng bansa sa Asian Games sa susunod na taon sa Indonesia, gayundin sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa loob lamang ng 36 na segundo, nakuha ni Watanabe ang panalo kontra Orapin Senatham ng Thailand.

Humugot din ng ginto si Mariya Takahashi, sumabak sa unang pagkakataon sa biennial meet, nang silatin si four-time Games champion Surattana Thongsri.

Kumubra naman ng bronze medal sa kani-kanilang weight class sina Keisei at Shugen Nakano, gayundin si Kohagura.

Ang pagdating ng Nakano brothers ay sapat para itaas ni Carter ang nakatatanda nilang kapatid na si Kodo bilang coach. Si Kodo ang isinabak ng bansa sa 2016 Summer Olympics.

“Because of his age, I asked Kodo to concentrate on coaching his younger brothers,” sambit ni Carter.

Ayon kay Carter, nakuha nila si Takahashi nang magsanay ang National Team sa Fuji Gakuen sa Yamanashi, Japan sa nakalipas na taon.

“Word spread out that we were looking for Fil-Japanese, but actually we did not,” aniya.

Nakuha ng judo ang dalawang ginto, at tatlong bronze sa Malaysia, kabilang ang naiuwi ni Sydney Sy, tanging homegrown Filipino sa koponan, sa men’s 78-kilogram division.