Ni: Genalyn D. Kabiling at Beth Camia

Ngayong kontrolado na ang bird flu outbreak, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas nang kumain ng manok at iba pang poultry products mula sa Pampanga at Nueva Ecija.

Pinawi ng Pangulo ang mga pangamba sa epekto ng insidente ng avian flu sa food safety at sa bird-to-human transmission ng virus at kumain ng nilagang itlog, balut at chicken barbecue sa pagbisita niya sa San Fernando, Pampanga.

Sinamahan si Duterte nina Health Secretary Paulyn Ubial, Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, Pampanga Rep. Gloria Arroyo, Pampanga Governor Lilia Pineda at iba pang mga opisyal sa chicken boodle fight sa idinaos na agriculture event upang hikayatin ang publiko na muling kumain ng poultry products.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“I assure the public that the poultry products in Pampanga and Nueva Ecija are safe for consumption and that we, in government, are undertaking efforts to stamp out the outbreak and minimize its impact in the country,” deklara ng Pangulo.

“Wala namang human transmission eh. So I came here just to eat the chicken and the eggs and the baluts to assure the public na hindi ho delikado. Tapos na,” dagdag niya.

Nangako rin si Duterte na tutulungan ang poultry industry na makabangon sa insidente ng avian flu at paiigtingin ang pagsisikap ng pamahalaan na maiwasang maulit ang outbreak ng sakit sa bansa.

Sa ngayon, P80 ang ibinibigay ng DA sa bawat piraso ng manok na pinapatay habang P10 sa bawat pugo.

May P20.7 milyon ang ibinigay sa mga lokal na pamahalaan ng San Luis, Pampanga bilang bayad pinsala sa mga pinatay na manok. Binigyan din ng tulong pinansiyal ang iba pang apektadong manukan.