Ni: Reggee Bonoan
HINDI maganda ang mga naririnig naming kuwento tungkol sa indie director na si Jason Paul Laxamana galing sa mga dati niyang nakatrabaho.
Nagsimulang magbago ang ihip ng hangin nang kumita ang pelikula niyang 100 Tula Para kay Stella (Viva Films) na may ilang negatibong feedback o komento na hindi nagustuhan ni Direk JP (tawag kay Jason Paul).
Binasa namin ang mga thread sa social media tungkol sa 100 Tula Para Kay Stella na pawang constructive criticism at karamihan ay papuri ang sinasabi.
Pero hindi matanggap ni Direk JP ang ilang netizens na nagkokomento ng kontra sa karamihan o against the flow, wika nga, at isa-isang sinasagot ang mga ito. Hindi nga lang sinasagot kundi inaaway at may paghahamon pa kung kayang gawin ang nagawa na niya.
May nagpayo na sana ay hindi na lang sumagot ang direktor dahil karapatan ng mga nakapanood ang magkomento dahil nagbabayad ang mga ito.
Pero heto na nga at kanya-kanyang kuwento na ng experience ang mga nakatrabaho ni Direk Jason Paul na halos iisa ang sinasabi.
“Noon pa siya mayabang, nuknukan ng yabang ‘yan. Hindi pa ba siya nagpapasalamat at nabigyan siya ng tsansa sa mainstream?” sabi ng isang nakausap namin.
Hmmm, dahil ba kumita ang Love Is Blind movie nila Derek Ramsay at Kiray Celis (Regal Films, 2016) at ang Third Party (Star Cinema, 2016) nina Angel Locsin, Zanjoe Marudo at Sam Milby; at Mercury is Mine (2016) at 2 Cool 2 Be Forgotten (2016) na parehong napasama sa Cinema One Originals Film Festival noong 2016?
Sa madaling salita, apat na pelikula ni Direk JP ang ipinalabas noong 2016, dalawang mainstream na parehong kumita at dalawang indie films na pawang napuri, impressive rin ang iba pang sinulat at nagawang pelikula niya in the past.
Dahil ba rito kaya yumabang na si Jason Paul Laxamana?
“Hindi, dati nang mayabang ‘yan, kaya lalo na ngayon, kumita lahat ng pelikula niya,” kuwento ng kapwa niya direktor na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Nag-survey kami sa mga kilalang direktor na kaliwa’t kanan na ang mga pelikulang naging blockbuster kung kilala at nakatrabaho na nila si Direk Jason Paul, at iisa ang sagot nila, “Hindi pa (nakakakilala nang personal at nakatrabaho).”
Hindi pa pala ganu’n kasikat si Jason Paul Laxamana dahil hindi pa niya nakaka-rubbing elbows ang mga blockbuster director pero may ere na siya? E, paano pala kung ang mga pelikula niya ay kaliwa’t kanan nang naiimbitahan sa international festivals at mag-uwi ng awards o kaya’y ka-level na niya sina Lav Diaz at Brillante Mendoza at iba pa?
Ano ito, nalunod na agad siya sa apat na basong tubig kasi apat na ang kanyang pelikulang kumita?
Nakakapanghinayang na ang isa sa hinahangaan naming indie direktor na nakatawid na sa mainstream ay ganito pala ang ugali.
Partida, Bossing DMB, hindi pa umabot sa P200M ang kinita ng kada pelikula niya, e, di lalo na pala kung lampasan niya ang kinita ng indie film na Kita Kita (P320M) o ng mainstream movie na The Super Parental Guardians (P620M)?
Heto pa may pahabol, dati palang manager ni Direk JP si Ferdie Lapuz na producer ng pelikula niyang Babagwa pero pinag-uusapan na rin ngayon sa industriya ang pagkakaroon daw nila ng samaan ng loob dahil iniwan niya nu’ng nakikilala na siya.
Pero para sa balanseng pamamamahayag, gusto rin naming marinig ang panig ni Direk Jason Paul tungkol sa lahat ng mga usap-usapang ito sa industriya na ‘yumabang o lumaki na ang ulo niya.’