Posibleng hindi pa magtapos o tuluyan nang matuldukan ang paglilingkod sa pamahalaan ni outgoing Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon, ayon sa Malacañang.
Ito ay matapos mapaulat na nakipagkita si Faeldon kay Pangulong Duterte noong nakaraang linggo kasunod ng desisyon ng Presidente na tanggapin na ang pagbibitiw sa tungkulin ni Faeldon bilang Customs chief.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, wala pa silang detalye sa napaulat na paghaharap nina Duterte at Faeldon, ngunit tiyak niyang nananatiling buo ang tiwala ng Pangulo sa dating komisyuner.
“Hindi po natin alam saan specifically [siya ililipat]. Sa pananalita ng Presidente, ang sabi po niya, meron po siyang trust sa kanya,” sinabi ni Abella nang tanungin ng mga mamamahayag sa Davao City tungkol sa plano ni Duterte kay Faeldon. “However, let us see how will it totally unfold kung saan siya ilalagay o kahihinatnan niya.”
Matatatandaang itinalaga ng Pangulo si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Isidro Lapeña bilang kapalit ni Faeldon sa BoC.
Napagitna sa kontrobersiya si Faeldon at ang buong BoC dahil sa P6.4-bilyon kontrabando ng shabu na lumusot sa kawanihan at nasamsam sa isang bodega sa Valenzuela City noong Mayo.
Sinabi naman ng Malacañang na suportado ni Duterte ang anumang imbestigasyon sa pagkakasangkot ni Faeldon sa kurapsiyon sa BoC, gaya ng ibinunyag ni Senator Ping Lacson. - Argyll Cyrus B. Geducos