Ni CHARISSA M. LUCI-ATIENZA

Nakahanap ng kakampi si presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte kahapon sa House Committee on Dangerous Drugs matapos magpasya ang panel na huwag nang isama sa 52-pahinang final report ang diumano’y pagkakasangkot niya sa P6.4-bilyon shabu smuggling.

Sinabi ng House panel, pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nabigo ang pribadong Customs broker na si Mark Taguba na suportahan ang mga akusasyon nito laban sa nakababatang Duterte, at tinawag itong tsismis lang.

“Kaya ini-emphasize namin dyan sa komiteng yan na hindi kami nag-e-entertain ng tsismis. Kami ay nakatutok sa usapin ng droga. We do not entertain hearsay. And we do not give way to testimonies that are hearsay and bunga ng isang tsismis kaya hindi namin yan pinapansin,” anang Barbers sa panayam sa radyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa imbestigasyon ng kongreso, paulit-ulit na isinabit ni Taguba si Duterte sa Davao Group, na aniya ay sangkot sa mga ilegal na gawain sa Bureau of Customs (BOC) .

“Eh tinanong namin kung siya ay may direct involvement, personal experience dyan sa sinasabi niyang kay Vice Mayor Duterte. Eh sinabi niya na wala ho. Eh bakit mo nababanggit si vice mayor? Eh yon lang ho ang sinabi sa akin, tsismis lang ho,” ani Barbers.

Sinabi ni Taguba na hindi niya naka-transaksiyon si Duterte, kundi ang middleman lamang nito.

Kaagad na ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang anak, sinabi na si Paolo ay nagbebenta lamang ng “ukay-ukay”.

Sinabi ni Barbers na wala nang makapipigil sa pagpasa nila ng kanilang panel report na nagrerekomendang sampahan ng kasong kriminal o administratibo si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang mga opisyal ng ahensiya sa Martes.

Inaasahan niya na sa susunod na linggo, ang committee report ay iendorso na para sa diskusyon at pag-apruba ng plenaryo. Kapag inaprubahan ito ng plenaryo, ire-refer na ang kanilang ulat Office of the Ombudsman at sa Department of Justice (DOJ) para sa paghahain ng kaso sa mga nagkasalang opisyal.

Sinabi ni Barbers na isa sa rekomendasyon ng kanilang panel ay ang pagsagawa ng House Committee on Good Government and Public Accountability ng malalimang imbestigayson sa “tara system” sa BOC.

“I-lifestyle mo yan, mula kay Commissioner Faeldon, hindi lamang ngayon ha,” aniya.