Duda si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa katapatan ng Department of Justice (DoJ) at Public Attorney’s Office (PAO) sa pagresolba sa kaso ni Kian Loyd delos na pinatay ng mga pulis-Caloocan nitong Agosto 16.

Ayon kay Drilon, matatandaan ang pagkiling ng PAO at DoJ sa kaso ni Supt. Marvin Marcos na ibinaba sa homicide ang kasong murder na unang isinampa laban dito.

Akusado ang grupo ni Marcos, dating regional police director, sa pamamaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa loob ng selda nito sa Baybay City noong nakaraang taon.

Dahil sa pag-downgrade ng kaso, nakapagpiyansa si Marcos at ang mga kapwa akusado nitong pulis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Pero tingnan n’yo ang nangyari kay Supt. Marcos, hindi ba murder ‘yung na-file? May findings ang investigating fiscal na murder, pero ibinaba ng undersecretary ng DoJ to homicide,” ani Drilon. “Dahilan diyan may rason ang taumbayan na mag-isip, baka naman matulad ito (kaso ni Kian) sa kaso ni Supt. Marcos. Ngayon may bago pang assignment itong si Supt. Marcos.”

Giit pa ni Drilon, mas mainam kung sa Office of the Ombudsman na lang isasampa ang kaso dahil kilala itong walang kinikilingan.

Matatandaang kinasuhan na nitong Biyernes ng pamilya delos Santos, sa tulong ng PAO, sa DoJ ng murder at torture sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz, maging ang hepe nilang si Chief Insp. Amor Cerillo.

Samantala, susuriin ng PAO ang isang video mula umano sa cell phone ng isa sa mga testigo sa kaso sa pag-asang makakakuha pa sila ng panibagong ebidensiya.

Una nang sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na malakas ang ebidensiya nito laban sa tatlong pulis na pumatay kay delos Santos. - Leonel Abasola at Beth Camia