Ni: Mary Ann Santiago
Hindi nakaligtas sa pagpapanggap ang tatlong pekeng traffic enforcer na nasakote sa Maynila nitong Lunes.
Kinilala ang mga inaresto na sina Jerome Miller, Mark Buzeta, at Rogelio Balatbat.
Sa ulat, tinangka nilang suhulan ng P5,000 ang isang SUV driver, na undercover MTPB traffic officer, na kanilang pinara dahil sa umano’y over speeding.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na hulihin ang mga naglipanang pekeng traffic enforcer sa lungsod.
“I will never, ever let this pass. Nakakahiya. We should all arrest these people and make them answer in the court of law,” pahayag ng alkalde.
Sa ulat ni MTPB Chief Dennis Alcoreza, sinabi ni Estrada na ang mga nagpapanggap na mga enforcer ay dating mga tauhan ng MTPB na sinibak nito noong Nobyembre.
Bilang pagtalima, bumuo si Alcoreza ng isang grupo na magsasagawa ng entrapment operations laban sa mga ito.
Sa magkakasunod na operasyon na sinimulan noong Mayo, nalambat sina Benjamin Baliwag, Enrique Duque, at Kenneth Garcia.