Nina BETH CAMIA at MARIO CASAYURAN

Pormal nang sinampahan ng kaso kahapon ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Department of Justice (DoJ) ang apat na pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos nitong Agosto 16.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta kasong murder at paglabag sa RA 9745 (Anti-Torture Law), partikular sa torture of minor, ang inihain ng mga magulang ng binatilyo laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz, at ang precinct commander ng mga ito na si Chief Insp. Amor Cerillo.

Nasa ilalim na ngayon ng restrictive custody ang apat na pulis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Personal na pinanumpaan ng mga magulang ni Kian na sina Lorenza at Saldy delos Santos ang kanilang mga reklamo laban sa mga pulis, kasama ang isa sa tatlong testigo na itinago sa pangalang “Choleng”.

Kinumpirma naman ni Acosta na hawak na rin ng PAO ang ikaapat na testigo sa pamamaril kay Kian, na umano’y nanlaban kaya napatay sa anti-drug operation sa Barangay 160, Caloocan City nitong Agosto 16.

Tiniyak din ni Acosta na kaagad nilang hihilingin na maisailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mga testigo.

Nagpahayag naman ang DoJ ng kahandaang mag-extend ng coverage ng proteksiyong pang-seguridad hanggang sa mga magulang at kapatid ng mga menor de edad na testigo.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng buong pamilya ng mga testigo.

Samantala, nanawagan naman kahapon si Sen. Risa Hontiveros kay Aguirre para mag-inhibit sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian, at huwag na ring isailalim sa WPP ang mga testigo sa krimen.

Matatandaang una nang kinupkop ng senadora ang unang tatlong testigo sa kaso.

“He (Aguirre) has also lost the trust and confidence of the public that he can capably protect the witnesses. Placing the witnesses to Secretary Aguirre’s ‘care’ would be like delivering sheep into the lion’s den,” ani Hontiveros. “In the spirit and interest of impartiality and the pursuit of justice, I demand that the justice secretary inhibit himself from all investigations being conducted into the killing of Kian.”

Matatandaang inihayag ni Aguirre sa isang panayam na maliit na kaso lang ang pagkamatay ni Kian bilang drug suspect, at pinalaki lamang ito ng media—bagay na kinontra mismo ng Malacañang.

Nagpahayag naman ng kahandaan si Aguirre na mag-inhibit sa kaso, ngunit kasabay nito ay hinamon niya si Hontiveros na mag-inhibit din sa pagsisiyasat ng Senado sa kaso ni Kian.