Nina MARY ANN SANTIAGO at LEONEL ABASOLA, May ulat ni Beth Camia

Niresbakan kahapon ng nagbitiw na si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon si Senator Panfilo Lacson at inakusahan ang senador at ang anak nito ng umano’y pagpupuslit ng bilyon-pisong halaga ng semento sa bansa.

Sa pulong balitaan kahapon ng umaga sa isang basketball court sa Taytay, Rizal malapit sa kanyang bahay, sinabi ni Faeldon na natuklasan ng BoC ang may 67 shipment ng smuggled na semento, na nagkakahalaga ng bilyong piso at pagmamay-ari ng kumpanyang Bonjourno, na nakapangalan sa anak ni Lacson na si Panfilo “Pampi” Lacson Jr..

Sinabi ni Faeldon na ang mga naturang puslit na kargamento ay nai-report lamang sa kanya noong Hulyo 12, 13, at 15.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ayon kay Faeldon, umabot sa P106 milyon ang kabuuang halaga ng tatlong barko sa loob lamang ng tatlong araw.

“Ang may-ari nito, I checked it today. Remember, I have alerted na ini-report sa akin, pumunta dun, nagpakilala. Ang may-ari ay si Panfilo Lacson Jr.,” ani Faeldon.

Ibinunyag din ni Faeldon na ang mga naturang shipment ay undervalued ng mahigit 50% dahil ang binayaran lamang umano ni Pampi Lacson ay $8 kada metriko tonelada, gayung ang market price ay $16-$20.

“Siyempre this is smuggling. Less than 50% ba naman ang babayaran mo sa duties mo eh, ‘di smuggling yan,” ani Faeldon.

Nang i-check umano niya ang background ng Bonjourno, natuklasan niyang ang binayaran lamang na kapital ng kumpanya noong 2015 ay P20,000, kaya imposible, aniya, na makaya nitong makapag-ship ng P106 milyon halaga ng mga semento sa tatlong araw lamang.

Nang ipa-check, aniya, sa system ng kawanihan ay natuklasan niyang simula nang maupo siya sa puwesto ay 67 barko na ang ipinarating ni Pampi sa bansa, na nagkakahalaga ng bilyong piso.

“I guarantee you, Senator Lacson, the document your son presented to me wasn’t genuine,” ani Faeldon. “Ngayon ‘yung sinasabi ni Sen. Lacson na may mga player, tanungin ko ‘to sa ’yo, Sen. Ping Lacson: Player ka ba? P20,000 lang ang capital ng anak mo, nagpasok ng 67 shipload ng semento sa bansa, na bilyon ang halaga. Magkano ba ang binayaran n’yong taripa? Magkano ang binayaran na tax? Kapag hindi nagtugma ‘yan, by the hundreds of millions, smuggler po kayo!”

INUNAHAN

Naniniwala rin si Faeldon na kaya inunahan silang siraan ni Lacson sa privilege speech nito noong Miyerkules ay dahil alam ng senador na ibubunyag na niya ang kanyang natuklasan.

“Nagdala ng pera si Panfilo Lacson Jr. Matagal na po ‘yang importer. Ano’ng big sabihin nito? Is he trying to bribe my staff?” sabi pa ni Faeldon. “Ito ang kinatatakutan mo, Sir, kasi we are nearing…we are getting close to getting you, to exposing you. We have now evidence.”

Dagdag pa ni Faeldon: “They wan’t me out of (the) Bureau of Customs because they don’t want this to come out. You want to destroy people like me and the officers on my team, you want us out because of this.”

Idinepensa rin ng dating BoC chief ang kanyang mga tauhan na binanggit ni Lacson na sangkot umano sa pagtanggap ng “tara” system o suhulan sa Customs.

“You (Lacson) know na matitino sila, eh. I pity the families of the people that you’re destroying. Nagtatago ka sa immunity mo, you have the ambition of becoming a President. You prove that already tumakbo ka, eh,” dagdag pa ni Faeldon, at sinabing dapat na mag-sorry ang senador sa mga sinabi nito.

BAKIT ‘DI KINASUHAN?

Mariin namang pinabulaanan ni Lacson ang mga alegasyon ni Faeldon.

“First, I have nothing to do with my son’s business activities. Second, there is no smuggling of cement as it is not subject to customs tariff and duties but only subject to VAT, which my son said, when I checked with him just now, they always pay. Third, he should have filed charges against my son if he now says, he’s into smuggling,” ani Lacson.

Ayon kay Lacson, kung totoo ang akusasyon ni Faeldon, dapat ay nanahimik na lang siya sa isyu ng kurapsiyon sa BoC at hindi nanguna sa paglalantad ng katiwalian sa kawanihan.

“It doesn’t make sense that I will expose the shenanigans in the BoC if my son is cheating on taxes as Faeldon is now accusing him of. The logical thing for me to do is not to make the exposé and just keep quiet,” ani Lacson.

‘DI MAGSO-SORRY

Sinabi rin ni Lacson na handa siyang harapin ang anumang alegasyon ni Faeldon, at iginiit na hindi siya hihingi ng paumanhin sa dating BoC chief.

“What will I apologize for? I don’t want to anymore patulan ang kanyang patutsada. Ang sinasabi ko lang kaya ako nasa harap ninyo ngayon because my name has been dragged,” ani Lacson. Kaugnay nito, hindi umano manghihimasok ang Malacañang sa nangyayaring batuhan ng putik nina Lacson at Faeldon, ngunit nagpahayag ng suporta sa imbestigasyon kaugnay ng akusasyon ng magkabilang panig.