Ni: Ben R. Rosario
Inihain na kahapon ang impeachment complaint laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista at kaagad itong inendorso ng House officials.
Sa 23-pahinang reklamo, inakusahan nina dating Rep. Jacinto Paras ng Negros Oriental at Atty. Ferdinand Topacio si Bautista na sangkot sa iregularidad na may kinalaman sa 2016 national elections, kakulangan ng aksiyon sa hacking attack sa Comelec website, at kabiguan na ipahayag ang buong net worth bilang opisyal.
Inakusahan din si Bautista na tumanggap ng “referral fees” mula sa 2016 election technology provider na Smartmatic.
Inendorso nina Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia, Asst. Minority Leader at Kabayan Party-list Rep. Harry Roque, at Rep. Abraham Tolentino (LP, Cavite), inaasahang ang reklamo ay ipadadala kay Speaker Pantaleon Alvarez upang pagbotohan ang pagpapatalsik kay Bautista.
Ayon kay Lawyer Manuelito Luna, legal counsel ng mga complainant, si Bautista ay kinasuhan ng betrayal of public trust, bribery at culpable violation of the Constitution sapat na para sa impeachment.