Ni: Mary Ann Santiago

Sugatan ang tatlong katao sa rambulan sa pista sa isang barangay sa Sta. Ana, Maynila kamakalawa.

Pawang nagpapagaling sina Wilson Peralta, nasa hustong gulang; isang 14-anyos na itinago sa pangalang “Diego”, kapwa ng Barangay 776, sa Sta. Ana; at si Jobelle Relimbo, nasa hustong gulang, na nagtangkang umawat sa mga nagkakagulo.

Sa ulat ni SPO2 Laurencio Bernardo, ng Manila Police District (MPD)-Station 6, naganap ang rambol sa Pasig Line sa Sta. Ana, nagdiriwang ng pista, dakong 12:55 ng madaling araw.

Rowena Guanzon binarda si Princess Abante: 'Nag-explain ka pa beh'

Ayon kay Diego, nag-ugat ang gulo nang sitahin ni Peralta ang lasing niyang kapitbahay, hindi pinangalanan, na nanghiram at umano’y sumira ng kanyang bisikleta.

Sa gitna ng pagtatalo ng dalawa ay sinuntok umano si Peralta ng kanyang kapitbahay at doon na nagsimula ang rambol.

Nagkabatuhan ng mga bote at bato at nadamay si Diego.

Bumunot naman umano ng patalim si Peralta at sinaksak si Relimbo nang akalaing mula ito sa kalabang grupo.

Tinangka namang iganti ng kapatid si Relimbo at kumuha ng isang plastic na upuan ngunit hindi niya inabutan si Peralta.

Sa oras na gumaling, nakatakdang arestuhin si Peralta at nahaharap na sa kasong frustrated homicide.