Nina JEL SANTOS at BETH CAMIA, May ulat nina Fer Taboy, Leonel Abasola, at Bella Gamotea

Sinabi kahapon ng hepe ng Public Attorney’s Office (PAO) na magsasampa ng kasong murder ang pamilya ni Kian Loyd delos Santos laban sa mga pulis na pumatay sa 17-anyos na Grade 11 student.

Pinagbabaril ng mga pulis-Caloocan si delos Santos makaraan umanong manlaban sa anti-drug operation ng pulisya sa Barangay 160 sa siyudad nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, may mga hawak nang ebidensiya ang kanyang tanggapan na magpapatunay na murder at hindi homicide ang pagpatay sa binatilyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

‘TREACHEROUS WOUND’

Kasama ang ilang forensic doctor ng PAO, tinungo kahapon ni Acosta ang burol ni delos Santos at sinuri ang labi ng binatilyo.

“Nalulungkot po ako dahil tatlo pong fatal wounds ang nakita, at ‘yung isa po ay treacherous wound,” sabi ni Acosta.

“Talaga pong magpa-file ng murder ang family.”

Sinabi ni Acosta na batay sa forensic examination sa bangkay ni delos Santos, nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa ulo at isang “treacherous” na tama ng bala sa katawan. Ayon sa PAO chief, binaril ang estudyante mula sa likod.

Nilinaw na ang pamilya delos Santos ang lumapit sa PAO, ininspeksiyon din ni Acosta ang lugar kung saan pinatay si delos Santos.

Nag-inspeksiyon din kahapon sa crime scene ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), habang bumisita rin sa burol ni delos Santos kahapon si dating Vice President Jejomar Binay.

Nauna nang dumalaw sa burol ng binatilyo para mag-alok ng ayuda sina Senator Risa Hontiveros at Vice President Leni Robredo.

Una nang iginiit ng Caloocan City Police na drug runner ang binatilyo at pinaputukan nito ang mga pulis kaya napilitan silang barilin ang estudyante. Sinabi naman ng mga opisyal ng Bgy. 160 na wala sa kanilang drug watch list ang menor de edad.

Kaagad namang sinibak sa puwesto sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz, gayundin ang hepe nila sa Police Community Precinct (PCP)-7 na si Chief Insp. Amor Cerillo, at si Caloocan City Police chief Senior Supt. Chito Bersaluna.

IMBESTIGASYON NG CIDG IPINAMAMADALI

Bukod pa sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI, Commission on Human Rights (CHR), ng pamahalaang lungsod ng Caloocan, ipinaapura naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sarili nitong pagsisiyasat para matukoy ang “criminal liability” ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kay delos Santos.

Sinabi pa ni dela Rosa na kasabay ng imbestigasyon ng CIDG, nag-iimbestiga naman ang Internal Affairs Service (IAS) ng PNP sa administratibong aspeto ng kaso.

Gayunman, iginiit ni dela Rosa na ang binatilyo ang taga-deliver ng droga para sa ama at tiyuhin nito, batay sa intelligence information at sa pahayag ng hawak nilang testigo.

DRUG TEST

Nagpahayag naman ng kahandaan ang ama at tiyuhin ni delos Santos na sumailalim sa drug test upang patunayang kapwa sila hindi gumagamit ng droga.

“Willing po kaming magpa-drug test, kaming pamilya,” sabi ng tiyuhing si Levy delos Santos tiyuhin ni Kian.

SENATE PROBE SA HUWEBES

Samantala, sisimulan na sa Huwebes ang pagdinig ng Senate committee on public order ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay ng insidente.

Ayon kay Lacson, tatalakayin ngayong Martes ng hapon ang resolusyon para opisyal na maisalin sa kanyang komite ang imbestigasyon, kasunod ng paglagda ng 14 sa 17 na senador na dumalo sa ipinatawag na majority caucus nitong Linggo.

Handa naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na humarap sa imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ni delos Santos.

“At kahit naman po siya ay sabihin na nating drug pusher, kung talaga ngang totoo man, ang tinitingnan naman po natin dito ay kung siya ay talagang na-manhandle, at siya ay pinatay nang walang kalaban-laban. Hindi po ‘yung kung siya ay drug pusher or siya ay isang minor,” sabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde.