NI: Liezle Basa Iñigo
Suspendido na ang guro na nag-viral ang video ng sinasabing pananapak sa kanyang estudyante sa kinder sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa panayam kahapon ng Balita kay Ferdinand Narciso, tagapagsalita ng Department of Education (DepEd)-Region 2, sinabi niyang simula ngayong Martes ay hindi na magtuturo sa Namabbalan Elementary School sa Tuguegarao si Ruby Jane Atara Badajos.
Sinuspinde si Badajos matapos na makarating sa tanggapan ng school division ang napaulat na pananakit ng guro sa paslit niyang estudyante.
Matatandaang nag-viral sa social media ang video ng guro na hitsurang iritable nang biglang sapakin sa mukha ang batang estudyante niya habang gumagawa ng seatwork ang huli.
Ayon kay Narciso, umamin ang guro sa ginawa nito, at sinabing maging ito ay nagulat sa nagawa sa bata.
Wala raw umanong intensiyon si Badajos na saktan ang paslit, at sinabing marahil ay nakaapekto sa guro ang kanyang pagbubuntis, na kadalasan ay iritable.
Posibleng tumagal ng 60 araw ang suspensiyon sa guro.