Ni Leslie Ann G. Aquino

Simula sa Agosto 22, patutunugin ang mga kampana sa mga simbahan ng Archdiocese ng Lingayen-Dagupan sa Pangasinan tuwing 8:00 ng gabi sa loob ng 15 minuto para sa mga biktima ng madugong giyera laban sa droga.

Sa isang pastoral letter, inihayag ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang pagbatingting sa kampana ng simbahan ay bilang pag-aalay ng dasal sa mga napatay.

“Matanggap nawa nila ang kapayapaang hindi nila naranasan noong sila ay nabubuhay pa,” saad sa kanyang liham na binasa sa archdiocese kahapon.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Ang tunog ng kampana ay tinig ng Diyos na sana ay gumising sa konsensiyang manhid at bulag. Huwag kang papatay! Kasalanan ‘yan! Labag sa batas ‘yan! ‘Yan ang sabi ng kampana,” ani Villegas.

“Ang bagting ng kampana ay tawag ng paggising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsang ayon sa patayan,” dagdag pa ni Villegas.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang papaalis na pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga maling nangyayari sa bansa, partikular na ang pagpatay sa mga suspek sa droga.

“Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?” tanong ni Villegas. “Ito na ba ang bagong tama?”

“May dapat tayong gawing tama upang manumbalik ang paghahari ng Diyos sa ating bayan. Hindi likas sa atin ang matuwa sa patayan,” lahad ni Villegas “Ibalik natin ang pagiging tao. Ibalik natin ang dangal Pilipino. Ikampana ang dangal ng buhay! Ikampana ang karapatan ng mga pinapatay na mahihirap!”

Ang pagpapatunog sa mga kampana ng simbahan ay isasagawa hanggang Nobyembre 27.