Nina JEL SANTOS at LEONEL ABASOLA

Kasunod ng pagpiprisinta ng Caloocan City Police sa hinihinalang tulak na umano’y ilang beses na inabutan ng droga ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, nakumpirma rin kahapon na nasa kustodiya na ni Senator Risa Hontiveros ang sinasabing nakasaksi kung paanong pinahawak umano ng mga pulis ng baril ang binatilyo bago pinatakbo tsaka pinagbabaril.

Hatinggabi nitong Linggo nang iprisinta ng pulisya sa media si Renato “Nono” Loveras, isang drug suspect na naaresto isang araw bago napatay si delos Santos.

Ayon kay Loveras, si delos Santos ang nagde-deliver sa kanya ng droga na kinukuha niya sa isang “Neneng”.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

'DRUG PEDDLER'

“Kay Neneng po ako kumukuha ng droga. Si Kian lang po ang nag-aabot sa akin,” sabi ni Loveras.

“Mga nasa anim na beses po ako kada linggo nakakakuha ng droga mula kay Neneng,” dagdag pa ni Loveras. “Pero hindi po si Kian ang laging nagdadala. May iba pa pong inuutusan.”

Sinabi rin ni Loveras na inaabot niya kay delos Santos ang kanyang bayad matapos niyang tanggapin ang droga mula rito.

Gayunman, sinabi ni Loveras na hindi na niya matandaan kung ilang beses na nag-deliver ng droga sa kanya si delos Santos.

Kasabay ng pagtanggi sa paratang ni Loveras, kinuwestiyon ng pamilya delos Santos kung bakit ngayon lamang lumantad ang una gayung noong Martes pa ito naaresto.

Miyerkules nang pinatay ng mga pulis si delos Santos, estudyante sa Grade 11, matapos umanong manlaban sa Barangay 160, Caloocan.

Una nang iginiit ng pulisya na itinuro ang binatilyo ng isang police asset bilang tagaabot ng droga mula kay Neneng. Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng Bgy. 160 na wala sa kanilang watch list si delos Santos.

Hindi naman alam ng pulisya kung saan matatagpuan si Neneng.

Matatandaang sinabi ng ilang saksi na nakita nila si delos Santos habang sinasampal at sinusuntok ng mga armadong pulis na hindi nakasuot ng uniporme. Sinabi rin nilang narinig nilang nagmamakaawa ang binatilyo: “Tama na po! Tama na po! May test pa ako bukas.”

IBA PANG SAKSI

Kaugnay nito, kinumpirma kahapon ni Sen. Hontiveros na nasa kustodiya na ng kanyang tanggapan ang mga witness, kabilang ang umano’y pangunahing saksi, sa pamamaslang kay delos Santos.

Tumugma naman umano ang mga pahayag ng mga testigo sa mga kuha ng closed circuit television (CCTV) camera na nagpapakitang sinasaktan at kinakaladkad ng mga pulis si delos Santos.

Una nang sinabi ng mga saksi na binigyan umano ng mga pulis ng baril si delos Santos tsaka pinatakbo at pinagbabaril.

Dahil dito, nagpulong ang mayorya ng Senado kahapon upang talakayin ang gagawing imbestigasyon, kabilang na ang panukalang tanggalin si Senator Richard Gordon bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Si Senate President Aquilino Pimentel III ang nagpatawag ng caucus at posibleng ang Senate committee on public order and dangerous drugs ni Senator Panfilo Lacson ang manguna sa imbestigasyon.